May binago sa lugar na naka-insured
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 9, 2022
Dear Chief Acosta,
Sakop po ng isang fire insurance ang aking maliit na tindahan. Dahil mayroon pang hindi nagagamit na espasyo sa may gilid nito, iniisip kong gamitin ang pwestong ito bilang isang karinderya para naman lumaki kahit papaano ang aking kinikita. Makakaapekto po ba ang pagbabagong ito sa aking fire insurance?
Sallie
Dear Sallie,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 170 ng Republic Act (R.A.) No. 10607 o mas kilala sa tawag na ‘The Insurance Code’ kung saan nakasaad na:
“Section 170. An alteration in the use or condition of a thing insured from that to which it is limited by the policy made without the consent of the insurer, by means within the control of the insured, and increasing the risks, entitles an insurer to rescind a contract of fire insurance.” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, maaaring maipawalang-bisa o ipakansela ng isang insurer ang isang contract of fire insurance, kung ang paggamit sa bagay o lugar na naka-insured ay binago ng may-ari nito, at ang pagbabagong ito ay nakadagdag ng risk o panganib ng pagkasunog ng nasabing bagay, nang walang pahintulot mula sa insurer. Samakatuwid, maaaring maipawalang-bisa ng inyong insurer ang inyong policy kung babaguhin ninyo ang gamit ng inyong tindahan ng salungat sa nakasaad sa inyong insurance policy at mapapalaki nito ang tiyansa ng pagkasunog nito, kung gagawin ninyo ang pagbabagong ito nang walang consent o pahintulot mula sa inyong insurer.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala





Comments