May bentahe na si Basheirrou sa 3rd Leg
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 18, 2022
Tukoy na ni Basheirrou ang makakalaban nito sa magaganap na 2022 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown Stakes race na ilalarga sa Hulyo 24 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Anim na tigasing kabayo ang makakatagisan ng bilis ni Basheirrou sa distansiyang 2,000 meter race.
Puntirya ng connections ni Basheirrou na masikwat ang nasabing event upang maukit ang pangalan ng kanilang pambato sa history ng karera na naka-sweep ng triple crown series.
Pag-aari ng Rancho Sta. Rosa at hinahanda ng trainer na si Ruben Tupas, markado ng mga karerista si Basheirrou at inaasahang magiging paborito matapos nitong manalo sa first at second legs ng triple crown series.
Mananatiling si class A rider Kelvin Abobo ang rerenda sa breed ni Melanie Habla at anak nina Brigand at Allemeuse na si Basheirrou.
Ang mga kasali ay sina Brother Son, Charm Campaign, Enigma Uno, Gomezian, Jungkook at Radio Bell.
Nakalaan ang P3.5-M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P2.1M, hahamigin ng second placer ang P787,500 habang mapupunta sa 3rd at 4th ang tig-P437,500 at P175,000 ayon sa pagkakasunod.
Sakaling manalo ni Basheirrou ay magiging pang-13 kabayo ito sa nakawalis ng Triple Crown series.





Comments