May 6 races ang PRCI, limang kabayo sa 3-yo
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 23, 2022
Anim na karera ang inihain ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) ngayong araw, magsisimula ito ng alas-5:30 ng hapon.
Inaasahang aabangan ng mga karerista ang bakbakan ng limang batang kabayo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na pakakawalan sa pista ng Santa Ana sa Naic, Cavite.
Posibleng magdomina sa bentahan ang mga kalahok na sina Binibini at Loyal Pal sa distansiyang 1,300 meter race.
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, lamang sa laban sina Binibini na sasakyan ni Rico Suson at Loyal Pal na rerendahan naman ni Dan Camanero. "Medyo angat sa laban sina Binibini at Loyal Pal, pero siyempre mga batang kabayo mga 'yan wala pang permanenteng takbo sila,pabago-bago," saad ni Billy "The Kid" Socrates, veteran karerista.
Ang ibang kalahok sa karerang nakalaan ang added prize na P10,000 para sa mananalong 3-year-old horse ay sina Phoenix Rising, Rainstorm at Cocomelon. Suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ang nasabing karera.
Samantala, binulaga ng dehadong si Pharaoh's Fairy ang mga liyamadista matapos sa 2022 PHILRACOM 3-Year-Old Locally Bred Stakes race na nilarga noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas. Sinakyan ni class A rider Oneal P. Cortez, nagwagi si Pharaoh's Fairy ng may isang kabayong agwat sa sumegundong si Bocaue Rivertown.
Inilista ni Pharaoh's Fairy ang 1:54.2 minuto sa 1,800 meter race upang hamigin ang P600,000 habang napunta ang second prize na P200,000 kay Bocaue Rivertown.
Tumersero sa nasabing karera si Colony Bell na sumungkit ng P100,000 habang pumang-apat si Tinago Falls na ibinulsa ang P50,000.
Mga Pili ni Green Lantern:
Race 1 - Shine (8), Quick Buck (4), Double Time (6)
Race 2 - Lava Walker (4), Aida's Pet (5)
Race 3 - Iron Hook (2), Northern Fame (3), Konzeelanz (4)
Race 4 - Loyal Pal (2), Binibini (1)
Race 5 - Cannon Ball (6), Gensan Special (5), Wild Find (2)
Race 6 - Musikera/Pilya (1/1A), Lady Goldie/Red Hawk (8/8A)





Comments