top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mavs, binawian ang Warriors sa Game 4

BULGAR
May 26, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 26, 2022



Nanatiling-buhay ang Dallas Mavericks matapos patumbahin ang Golden State Warriors, 119-109, sa Game 4 ng Western Conference Finals ng 2022 NBA Playoffs mula sa American Airlines Center kahapon. Naiwasan ng Mavs ang mawalis sa serye at susubukan muling manalo sa Game 5 ngayong Biyernes sa Chase Center ng Warriors.

Gitgitan ang laro hanggang kumilos ang Dallas sa second quarter kung saan bumanat ng 10 puntos si Jalen Brunson at itulak sila sa 62-47 lamang sa halftime. Umabot ang lamang ng 29 sa katapusan ang 3rd quarter, 99-70, sa bisa ng magkasunod na shoot nina Maxi Kleber at Dorian Finney-Smith.

Biglang nabuhayan ang Warriors sa 4th quarter sa likod nina Moses Moody at Jonathan Kumingao at tinapyas ang agwat sa walo na lang, 102-110, at 3:23 sa orasan. Sinagot ito ng dunk ni Luka Doncic at three-points ni Reggie Bullock, 115-102, at kumapit ang Dallas sa last 2 minutes para sa kanilang unang tagumpay sa serye.

Patuloy pa rin ang malupit na numero ni Doncic na 30 puntos at 14 rebound at sinundan ni Finney-Smith na may 23 puntos. Sa kabuuan ay nagpaulan ng 20 tres ang Mavs kumpara sa 10 lang ng Warriors.

Gumawa ng 20 puntos lang si Stephen Curry habang 17 puntos si Kuminga, 10 sa 4th quarter. Umalat din ang shooting ng mga inaasahan ng Golden State tulad nina Klay Thompson, Jordan Poole at Andrew Wiggins habang hindi naglaro si Otto Porter na napilay ang sakong noong Game 3.

Doble ang selebrasyon ni Doncic at opisyal na hinirang siya bilang kasapi ng 2022 Kia All-NBA First Team. Pinangungunahan ang koponan ni Most Valuable Player Nikola Jokic ng Denver Nuggets, Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks, Devin Booker ng Phoenix Suns at Jayson Tatum ng Boston Celtics.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page