Matapos mag-import ng bigas, isda next
- BULGAR
- Aug 19, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 19, 2023
Aprub at binigyan na ng greenlight ng Department of Agriculture ang pag-angkat ng 35,000 metric tons ng iba’t ibang uri ng pelagic species ng isda, kabilang na rito ang galunggong.
Batay sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ito ay upang mapunan ang kakulangan na dulot ng closed fishing season.
Paliwanag ni Nazer Briguera ng BFAR, para mapunan natin ang gap sa supply sa mga wet markets kung kaya nagkakaroon ng importasyon sa panahon para sa closed fishing season.
Bukod sa galunggong, mag-i-import din ng moonfish, mackerel, bigeye scad, at iba pang isda.
Ang mga angkat na isda ay nakatakdang dumating sa Oktubre, sa panahon para sa closed fishing season. Habang ang lahat ng imports ay dapat ding dumating bago ang Enero 15, 2024.
Sinabi pa ni Briguera na tama lamang ito, hindi mag-e-extend at hindi magiging sobra, sapa lang sa pangangailangan ng bansa habang nagpapatupad ng closed fishing season.
Sinagot naman ng BFAR ang mga batikos hinggil sa kung bakit may mga kakulangan sa kabila ng pagiging kapuluan ng Pilipinas.
Giit ni Briguera, dapat na maintindihan ng marami na kahit ganoon kalawak ang mga pangisdaan, kailangan na sustenableng mapangasiwaan ito, ang ibig sabihin, may mga hakbang na dapat gawin para maging long term ang ating utilization ng resources.
Ang pag-aangkat ng mga produkto sa ibang bansa ay may naidudulot na mabuti para atin.
Hindi na nga naman mangangamba na tayo ay kakapusin at may sapat na supply ng pagkain at walang magugutom.
Subalit, kung sa tuwing magkakaroon ng kakulangan sa supply ng pagkain o iba pang produkto ang bansa at gagawin natin ang pag-i-import, malamang na lalo tayong mahirapan na makaahon.
Tila wala nang naiisip ang kinauukulan na solusyon sa problema nating ito kundi ang mag-import at mag-import na lamang. Marahil, dahil ito sa kagustuhan nilang maresolbahan agad na hindi tinitingnan na mas kailangan natin ang pangmatagalang solusyon sa problema.
Hiling natin na sana ay pag-ukulan nila ng malalimang pag-aaral at upuan ang mga isyu bago isagawa para naman makatulong at maging kapaki-pakinabang sa mga Kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments