top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Matapos madale ang PhilHealth, hackers humihingi ng $300K ransom

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 27, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 27, 2023


Sa gitna ng mga ulat na ang database ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay ibinebenta sa Dark Web, ang mga hacker ay humihingi na ngayon ng $300,000 o aasa P17 milyon mula sa gobyerno ng Pilipinas.


Ayon kay Secretary Ivan Uy ng Department of Information and Communications Technology (DICT) iniimbestigahan na ng crack team ang umano’y pag-hack, kung saan ginawa sa pamamagitan ng Medusa ransomware.


Sa isang panayam, ipinahayag ni Uy na hindi sila kailanman nagbabayad ng anumang ransom. Ang polisiya ng gobyerno ay hindi tayo susuko sa mga pamba-blackmail o ransom techniques ng mga ito.


Nauna nang sinabi ng PhilHealth na agad nilang dinisabled ang system access sa kanilang website at portal matapos na ma-detect ang pag-atake noong umaga ng Biyernes, Setyembre 22. Ito ay bilang bahagi na rin ng information security measures ng kagawaran.


Nitong Sabado, ang state insurer ay naglatag ng mga temporary procedures para sa mga miyembro na maghahain ng mga benepisyo at magsusumite ng mga kontribusyon habang sinusubukan nilang lutasin ang naturang cyberattack sa kanilang systems.


Mabigat na problema ang posibleng kaharapin ng bansa dahil sa ginawang pag-atake ng mga hackers sa computer systems ng isa sa mga mahahalagang ahensya ng gobyerno.


Hindi lamang ito basta cyberattack dahil nasasangkot na kasi rito ang mas malalim na kalakaran sa tinatawag nilang Dark Web.


Marahil, dapat na tumulong ang taumbayan sa ating pamahalaan sa pagresolba sa usapin, lalo na iyong mga mahuhusay, bihasa at eksperto sa ganitong uri ng teknolohiya upang hindi na lumawak pa ang maaaring pasukin ng mga naturang hackers.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page