top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Matalas ang sungay ng Bulls, Grizzlies, lumilider sa West

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 6, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 6, 2023



Pinutol ng Chicago Bulls ang 12 sunod na panalo ng Brooklyn Nets, 121-112, sa NBA kahapon mula sa United Center. Patuloy din ang matitinding numero ni Giannis Antetokounmpo at triple double siya sa 104-101 pagtakas sa overtime ng Milwaukee Bucks sa Toronto Raptors.


Pinasahan ni Antetokounmpo si Grayson Allen para sa nagpapanalong three-points na may 11.6 segundo sa orasan. May isa pang pagkakataon ang Toronto subalit nagmintis si Fred VanVleet at sinungkit ni Giannis ang rebound upang magtapos na may 30 puntos, 21 rebound at 10 assist.


Sapat na para sa Bulls ang 40-33 first quarter at lumaki ito ng 64-46 bago ang huling apat na minuto ng second quarter. Parehong nagtala ng 22 puntos at pitong rebound sina Patrick Williams at DeMar DeRozan.


Sinundan ni Donovan Mitchell ng Cleveland Cavaliers ang kanyang makasaysayang 71 puntos ng 20 puntos lang subalit sa kanya ang assist sa nagpapanalong shoot ni Evan Mobley na may apat na segundo sa orasan laban sa Phoenix Suns, 90-88. Bunga ng mga resulta, mas lumiit ang agwat ng mga koponan sa tuktok ng Eastern Conference na Boston Celtics (26-12), Nets (25-13) Bucks (25-13) at Cavs (25-14).


Sa Western Conference, nakibahagi ang Memphis Grizzlies sa liderato sa bisa ng 131-107 tambak sa Charlotte Hornets na kanilang ika-apat na sunod salamat sa 23 puntos ni Ja Morant.


Kalahating laro na rin ang hahabulin ng pumapangatlong New Orleans Pelicans na nanaig sa kulelat na Houston Rockets, 119-108. Samantala, ipinasok ni Saddiq Bey ang tres na may 0.4 segundo sa orasan upang gulatin ng bisitang Detroit Pistons ang World Champion Golden State Warriors, 122-119. Kahit wala si LeBron James dahil may karamdaman, nagwagi ang Los Angeles Lakers sa bisitang Miami Heat, 112-109.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page