Masusubukan ang kaastigan ni Casimero kontra Namibian
- BULGAR
- May 9, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | May 9, 2023

Muling masisilayan sa ibabaw ng ring si dating three-division World champion John Riel “Quadro Alas” Casimero na sisimulang gapangin pabalik ang World title fight sa pakikipagbanatan kay reigning WBO global super bantamweight champion Fillipus “Energy” Nghitumbwa ng Namibia para sa homecoming bout nito sa Mayo 13 sa Okada Manila sa Paranaque City.
Mayroong eight-fight winning streak si Casimero (32-4, 22KOs) na nais muling makapasok sa World rankings matapos matanggalan ng korona na WBO bantamweight title nung isang taon matapos labagin ang alituntunin ng British Boxing Board of Control (BBBoC) sa United Kingdom sa nakalinyang laban kontra kay Paul Butler, na nauwi sa panalo ng Briton kay Jonas Sultan, na kalauna’y pinatumba ni Naoya “Monster” Inoue upang maging undisputed 118-pound champion.
Matagumpay namang nakabalik sa pakikipaglaban si Casimero na nakuha ang second-round knockout kay Ryo Akaho nung Disyembre sa Paradise City Plaza, Incheon South Korea.
Ito rin ang unang pagkakataon na dadalhin ng 34-anyos mula Ormoc City, Leyte ang Treasure Boxing Promotions na ibabandera ni dating World champion Masayuki Ito ng Japan, habang muling masisilayan rin sa kanyang unang laban sa Pilipinas sapol nung 2019 ng talunin nito si Cesar Ramirez Lora ng Mexico sa bisa ng 10 round knockout sa San Andres Civic and Sports Center sa Malate, Manila.
Kasalukuyang naka-pwesto sa No.5 contender sa WBO, No.8 sa WBC, at No.15 sa IBF title belt si Casimero sa 122-lbs division na kasalukuyang pinaghahatiang pagharian nina Filipino Marlon “Nightmare” Tapales (IBF at WBC) at American Stephen Fulton (WBA at WBO), habang nasa 10th sa WBO si Nghitumbwa.
Mayroon namang 11-fight winning streak ang Namibian boxer na si Nghitumbwa (12-1, 11KOs) na lahat ng panalo ay galing sa knockout, kung saan idedepensa niya sa ikatlong beses ang titulo na unang napagwagian laban kay South African Innocent Mantengu (15-7-1 5KOs) nung Oktubre 16, 2021, habang nadepensahan niya ito laban kina Said Chino ng Tanzania at Sabelo Ngebinyana ng South Africa.








Comments