Masusing paglinis sa listahan ng 4Ps beneficiaries, dapat lang!
- BULGAR
- Sep 9, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | September 9, 2022
Halos 200,000 pamilya na ang na-delist sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, 187,613 pamilya na ang natanggal sa listahan ng programa, habang patuloy na sumasailalim sa validation ang lagpas sa 1.3 milyong pamilya na posibleng matanggal sa listahan ng mga benepisaryo.
Nilinaw ng kalihim na ang mga hindi pa natatanggal sa listahan ng mga benepisaryo ay dahil sa kanilang konsultasyon sa mga lider ng 4Ps na tinatayang may 40 hanggang 80 miyembro sa iba’t ibang lugar.
Gayunman, puwede pa rin umanong maging benepisaryo ng ibang mga programa ng ahensya ang mga pamilyang natanggal sa 4Ps, tulad ng Sustainable Livelihood Program and Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Para ma-delist o matanggal sa listahan ng 4Ps, kailangang 19-anyos na ang huling anak at nakatapos na ng high school; nasa pitong taon na sa programa, hindi na mahirap, nag-waive na sa programa at kung nakagawa ng pagkakamali ang household na kasali sa listahan.
Samantala, may mga gumradweyt na umano sa listahan na nagboluntaryong umalis sa programa at galing mismo ito sa kanilang lider.
Magandang balita na ginagawa ng ahensya ang lahat upang matiyak na ang mga karapat-dapat lamang ang makikinabang, kaya malaking bagay na masusing pinag-aaralan ang listahan.
Sa ganitong paraan kasi, mabibigyang-daan ang mga tunay na may “K” na makasama sa programa.
Panawagan lang sa mga kinauukulan, sana’y walang makalusot at maiwasan na ang mga isyu noon. Kumbaga, dapat sa pagkakataong ito ay natuto na tayo.
Malinaw dapat ang layunin ng programa at ‘yan ay ang mabigyan ng tulong ang mahihirap na pamilya sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments