top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Masayang Pasko 2021, ‘di dapat maudlot

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 9, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 9, 2021



Habang patuloy sa pagbaba ang bilang ng aktibong COVID-19 cases sa bansa, gayundin ang pagluluwag ng restriksiyon, nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko kung ayaw nitong maudlot ang masayang selebrasyon ng Pasko ngayong taon.


Giit ng ahensiya, huwag magpabaya sa pagsunod sa minimum health protocols dahil posibleng lumobo ulit ang aktibong kaso ng COVID-19 sa mahigit 50,000 bago ang Pasko.


Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang naturang bilang ay pagtaya ng kanilang Disease Surveillance Team kung magiging matigas ang ulo ng publiko at hindi susunod sa umiiral na protocols, lalo na sa matataong lugar.


Gayunman, kung masusunod ng taumbayan ang kasalukuyang protocols, maging ang restriksiyon sa paggalaw at mapapanatili ang ‘detection-to-isolate rate’ sa limang araw, maaaring bumaba pa ang mga aktibong kaso sa 22,000 sa Nobyembre 15.


Matatandaang nag-umpisang bumaba sa 50,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa noong Oktubre 30 at patuloy pa ang pagbaba nito.


Sa totoo lang, magandang balita na mas marami nang aktibidad na pinapayagan at nakakapamasyal na ang mga matagal natengga sa bahay, lalo na ang mga bata. ‘Yun nga lang, tila masyadong nasabik ang ilan, kaya dagsa ang mga tao sa iba’t ibang pasyalan.


Kaya naman paalala sa taumbayan, bagama’t pinapayagan na ang pamamasyal, gayundin ang paglabas ng mga bata at matatanda, hinay-hinay lang sa paglabas.


Tandaan na nariyan pa rin ang virus at kung magpapabaya tayo, malamang na maudlot nga ang inaasahan nating masayang Pasko ngayong taon.


Bago lumabas ng tahanan, papunta man sa trabaho o pasyalan, huwag dedmahin ang mga paalala at babala ng kinauukulan. Ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng nakararami kaya hangad natin ang disiplina at kooperasyon ng lahat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page