top of page
Search
  • BULGAR

Masamang epekto ng krisis, pinakasapol ang kabataan!

ni Ka Ambo - @Bistado | February 25, 2021



Gumagrabe ang krisis.


Wala tayong problema sa matatanda dahil malawak ang pang-unawa ng mga ‘yan.


Kumbaga, sanay na sa hirap ang matatanda, pero paano ang mga paslit at menor-de-edad?


Nato-tortiyur sila sa nararanasang pandemya!


◘◘◘


‘Yan din mismo ang prayoridad ni P-Digong kaya’t binasted niya ang rekomendasyon ng DepEd na magkaroon ng face-to-face classes kahit experimental lamang.


Dapat nakapokus ang gobyerno sa interest ng menor-de-edad.


Sila ang daranas ng negatibong epekto ng pandemic sa mga susunod na dekada!


◘◘◘


Grabe ang krisis sa ekonomiya at bago makarekober nang ganap—hindi lang ang Pilipinas, bagkus ang buong mundo—ay maaaring umabot sa higit na isang dekada.


Ibig sabihin, ang maling desisyon ng matatandang lider ay pagdurusahan ng kabataang nabubuhay ngayon!


◘◘◘


Sa gitna ng pandemic, sumasabay pa ang problema sa mga rebeldeng NPA sa Mindanao.


Nababahala mismo si Deputy Speaker Mikee Romero sa sitwasyon ng mga kabataang Lumad na naiipit sa girian ng NPA at AFP!


◘◘◘


Nakikiusap siyang sa magkabilang panig na dapat bigyang-proteksiyon ang mga menor-de-edad na nag-aaral sa Lumad Bagwit School.


“Spare the children, save the children, jail the NPAs” kung kailangan.


‘Yan ang talagang dapat maganap!


◘◘◘


Itinanggi ni Romero na supporter siya ng makakaliwang grupo sa pagsasabing siya mismo ang may-akda ng Anti-Terror Law.


At nais niya ay dapat mailigtas ang hanay ng kabataan sa away ng gobyerno at pamahalaan!


◘◘◘


Kahit sa nakatakdang Tokyo Olympics, dapat din umanong mabakunahan muna ang mga kabataang atletang kakatawan sa bansa sa quadrennial event.


Mahalagang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kabataan!


◘◘◘


Hindi nalilipasan ang payo ni Gat. Dr. Jose Rizal sa pagsasabing: Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan.


Ang kabataan ang susunod na lider sa lahat ng antas ng pamahalaan at lipunan.


Ganun lang kasimple ang mensahe!


◘◘◘


Sa totoo lang, maging ang tinatawag na herd immunity ay magsisilbing frontliner ang lahat ng kabataan dahil sila lamang ang may malakas at mabulas na immune system.


Ang mismong immune system ng hanay ng mga kabataan—ang siyang magtutulak sa COVID virus upang mapahina ang talab!


◘◘◘


Ang matatanda at may sakit na ay walang kalaban-laban sa COVID virus, pero ang dugo at enerhiya ng kabataan—ang siyang daraig at tatalo sa kamandag ng alinmang virus na lumilitaw.


Kung walang kabataan o kakarampot ang bilang, saan magmumula ang herd immunity?


Ibig sabihin, ang herd immunity ay kakambal ng enerhiya ng populasyon ng kabataan.


Dapat nating maunawaan ‘yan—ang mismong naturalesa ng mga kabataan—ay tatalo at tutunaw sa epekto ng COVID!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page