Masalimuot na usapin sa PUV modernization, tapusin na
- BULGAR
- Nov 20, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | November 20, 2023
Posibleng suspendihin ang prangkisa ng mga lalahok sa tatlong araw na transportation strike na simula ngayong Lunes, November 20 hanggang Miyerkules, November 22, 2023.
Ito ang naging babala ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), sa mga drivers at operators, matapos na ituloy pa rin ang ikinasang nationwide tigil-pasada ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).
Nasa 100,000 miyembro ng kanilang samahan ang inaasahang lalahok sa transport strike, kung saan sa Metro Manila ay tinatayang 700 ruta ang maaapektuhan, ayon sa PISTON.
Ipinoprotesta kasi nila ang December 31 deadline ng consolidation na bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng ahensya.
Dati nang sinabi ng Department of Transportation na tataasan nila ang subsidiya na ibibigay sa mga operator para makabili ang mga ito ng modern jeepney, na mula P180,000 ay gagawin itong P210,000.
Ayon sa DOTr, nasa halagang P1.5 milyon ang pinakamurang modern jeepney na ang layunin nito ay para mapabuti ang kanilang operasyon at serbisyo, pero tutol dito ang PISTON.
Una na ring umapela ang LTFRB na huwag nang ituloy ng PISTON ang malawakang tigil-pasada habang ipinahayag na walang mangyayaring phaseout ng traditional jeepney sa December 31.
Ayon kay LTFRB Chairman Teoofilo Guadiz III, handa naman silang pag-usapan ang anumang hinaing ng mga transport group. Subalit giit niya, maaari nilang suspendihin ang prangkisa kapag sumali ang mga drivers at operators sa naturang transport strike.
Walang tulak kabigin sa magkabilang panig dahil pareho naman silang may punto sa nasabing usapin.
Hindi kasi madali para sa mga driver at operator na basta na lang i-phaseout o alisin na ang kanilang mga jeep na kanilang naging hanapbuhay sa matagal na panahon.
Sa parte naman ng kagawaran, nais lang nilang mapaganda ang kalagayan ng ating transportasyon habang maging kumbinyente naman ang mga komyuter na siyang pinakamarami sa lansangan.
Panawagan natin na sana ay magkasundo na ang dalawang panig at pag-usapan ito nang mabuti.
Isipin sana nilang ang mga komyuter, kabilang dito ang mga empleyado, estudyante at iba pa, ang labis na maaapektuhan tuwing may mga nangyayaring tigil-pasada at talagang napeperhuwisyo nang husto.
Para sa kinauukulan, umaasa ang taumbayan na mareresolbahan n’yo na rin ito sa lalong madaling panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments