top of page
BIDA - “NOT TODAY SATAN” TOTE BAG NA IFINLEX NI DENNIS, SOLD OUT KAHIT MAHAL_IG _dennistri

Mas produktibo at aktibong kabataan

BULGAR
May 19, 2022
2 min read

@Editorial | May 19, 2022


Pirmado na bilang batas ang pagbibigay ng buwanang honoraria para sa mga Sangguniang Kabataan (SK) officials.


Ito ay kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 6 sa Republic Act No. 11768 na nag-aamyenda sa probisyon na nakapaloob sa Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.


Sa ilalim ng naturang batas, lahat ng SK members kabilang ang treasurer at secretary ay dapat na makatanggap ng buwanang honorarium sa katapusan ng bawat regular monthly SK meeting sa kondsiyon na hindi lalagpas sa 25% ng pondo na nakalaan para sa SK at hindi rin lalagpas sa compensation na natatanggap ng SK chairperson.


Puwede ring magbigay ang local government units (LGUs) ng karagdagang sahod at social welfare contributions at hazard allowance sa SK chairperson at iba pang elected at appointed members ng youth council sa pamamagitan ng mga lokal na ordinansa.


Ilan pa sa mga benepisyo para sa SK officials ay ang exemption mula sa National Service Training Program, ma-excused mula sa klase kapag uma-attend sa isang regular o special SK meetings at special Sangguniang Barangay sessions at entitled din na mabigyan ng pamahalaan ng PhilHealth.


Sa pamamagitan ng mga benepisyong ito, umaasa tayo na magiging mas produktibo at aktibo ang mga kabataan. Batid naman natin kung gaano kababad sa gadgets ang mga kabataan ngayon, ‘ika nga nila, ninakaw na ng teknolohiya ang kanilang kabataan. Kaya sa pamamagitan ng SK na sinusuportahan ng gobyerno, sana ay mas ma-enjoy nila ang panahon at mga pagkakataon.


Samantala, panawagan din sa mga opisyal ng barangay, patuloy nating gabayan ang mga SK officials. Turuan natin silang maging mabuting ehemplo sa lipunan at huwag sanang maabuso ang lahat ng benepisyo na kanilang tatamasahin sa pamamagitan ng nasabing batas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page