Mas pinili ang career… ALDEN, INIWAN SI JULIE ANNE, 7 YRS. 'DI NAG-USAP
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | January 27, 2023

Napaamin at napagsalita ni Boy Abunda si Alden Richards sa Fast Talk With Boy Abunda tungkol sa naging tunay na estado nila ni Julie Anne San Jose.
Ang Asia’s Multimedia Star ang sumalang sa 3rd episode ng FTWBA at dito ay natanong siya kung sino sa mga na-link sa kanya ang muntik na niyang maging girlfriend.
Hindi agad nakasagot si Alden at parang inisip muna kung magsasalita ba siya. May mga nagsigawan sa audience at inudyukan siyang sabihin na.
Hanggang sa sumagot na nga ang aktor. Aniya, “Dalawa po, eh. Si Winwyn (Marquez) and Julie (Anne San Jose).”
When asked kung bakit hindi natuloy ang relasyon niya sa dalawang aktres, kay Winwyn daw ay because of work.
“Busy siya (Winwyn), busy din po ako,” paliwanag niya.
Pagdating naman kay Julie Anne, aminado siyang kasalanan niya dahil nag-decide raw siyang mag-focus na lang sa work.
“Inihingi ko po ng sorry ‘yun sa kanya, it’s a long time (ago), a long time of ah. . . parang naiwan ko po siya,” pag-amin pa ni Alden.
“I never told anyone this,” patuloy niya, “'yung part po kasi kay Julie Anne, ‘yun po ‘yung parang pinakamabigat.”
Pagtatapat pa niya, almost 7 years daw silang hindi nag-usap ng aktres simula nang maghiwalay sila. Umabot daw nang ganu’n katagal dahil naniniwala raw siya na may tamang panahon para rito.
“Naniniwala po kasi ako na time really heals everything. And mahirap po kasing ipilit, eh. Na gusto mo nang magkaayos kayo, pero ‘yung panahon, hindi pa tama, kasi sariwa pa po ‘yung sugat, eh. And hindi po natin maididikta sa puso natin kung kailan gagaling ‘yun. It really depends upon the person,” he said.
Hanggang finally ay dumating na nga ang tamang panahon isang araw sa rehearsal ng Sunday Pinasaya. Dito raw niya kinausap si Julie Anne at personal na humingi ng tawad.
“Nu'ng kami na lang po sa green room, ini-lock ko po ‘yung pinto. And then I talked to her, ‘I’m really sorry for what happened. Iniwan kita. There’s no one to blame but me and sana, napatawad mo na ako,’” kuwento ni Alden.
“Pagkatapos po ng usapan, parang may ibang relief po sa kalooban. Na para bang for the longest time, iniiwasan ko po siya. Pero nu'ng nangyari ‘yung moment na ‘yun, may dala rin pala ako.
“Now, we’re very much good friends po,” pagbabahagi pa ng Pambansang Bae.
Matapos mailabas ni Alden ang kanyang nasasaloob ay kitang-kita rin naman talaga na para siyang nabunutan ng tinik.
“Hindi ko po sinasabi kahit kanino ‘yun,” sey pa niya.
Samantala, naitanong din ni Kuya Boy kung kailan huling nakipag-date si Alden at aniya ay matagal na raw. Wala pa rin daw siyang love life up to now, habang alam naman ng lahat na si Julie Anne ay mukhang haping-happy na kay Rayver Cruz.





Comments