Mas mataas na sahod sa mga nurse, dapat nang pag-aralan
- BULGAR
- Jul 2, 2022
- 1 min read
@Editorial | July 2, 2022
Sa pagpasok ng bagong administrasyon, nagpahayag na ng kanilang kahilingan ang grupo ng mga nurse kaugnay ng sahod.
Isinusulong ng grupo na maitaas sa P50,000 kada buwan ang entry salary ng mga nurse sa bansa.
Kanila umanong ilalahad ang 10-point nurses agenda sa Marcos administration kung saan kabilang ang taas-sahod ng mga nurse sa mga pampubliko at pampribadong ospital.
Batayan umano ng grupo ang inflation at ang living wage na itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Napag-alaman na ang sinasahod ng ilang nurse sa pribadong ospital ay nasa P8,000 hanggang P10,000 kada buwan habang sa public hospitals naman, ilan sa mga nurse ay P35,000 kada buwan sa ilalim ng Salary Grade 15.
Gayunman, marami sa mga nurse ay hindi nakatatangap ng naturang halaga dahil nasa 50,000 nurses ay contractual workers.
Kaugnay nito, nakababahala ang pag-alis ng mga nurse para mag-abroad, posibleng bumigay ang healthcare system ng bansa.
Marami na ang umalis para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa gitna ng pandemic at economic crisis.
At sa naging pahayag naman ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang inauguration speech, umaasa tayo na matutupad ang kanyang magagandang plano para sa ating mga healthcare workers.
Panahon na para pakinggan at unawain ang matagal na nilang hinaing. Kung may sapat namang pondo, pagbigyan na, huwag na sana silang pahirapan pa.


Comments