top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mas maraming nakaka-recover kaysa nadadale sa COVID-19

BULGAR
Sep 21, 2021
3 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | September 21, 2021


Wala nang duda, mas marami ang gumagaling kaysa sa nagkakasakit ng COVID-19.


Batay mismo ‘yan sa datos ng DOH at aktuwal na datos mula sa personal nating pagkuha ng impormasyon!


◘◘◘


SA ngayon, hindi dapat umasa ang media sa datos na nagmumula lamang sa DOH at IATF, dapat magkaroon din ng “tally board” ang media outfit batay sa nakukuha nilang impormasyon sa field.


Marami nagkakasakit ng COVID at gumagaling nang hindi na inire-report sa mga awtoridad!


◘◘◘


MULAT ang media at barangay na maraming may COVID ang hindi nagpupunta sa ospital o nagre-report sa barangay dahil mild cases lamang ito.


Ang mild cases ay gumaling nang hindi kailangan ang government intervention.

Ang bilang ng mga ‘yan ay hindi naka-reflect sa inilalabas ng DOH araw-araw.


Alam mismo ito ng mga barangay officers at LGU executives!


◘◘◘


SA totoo lang, napakaraming bilang ng bakunado kontra COVID, pero tinatamaan pa rin ng COVID.


Pero, dahil bakunado, hindi nagse-severe at hindi rin naoospital.


Mayorya rito ay hindi na inire-report.


Kung gayun, paano natin paniniwalaan na ang datos na inilalabas ng DOH ay siyang repleksiyon ng sitwasyon?


◘◘◘


SA maniwala kayo o hindi, masasaksihan nating lahat sa mga susunod na araw ang sobrang dami ng bilang ng mga gumagaling na dating positibo ng COVID.


Bakit?


Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, hindi lahat ng positive sa COVID ay maituturing na “may sakit” sapagkat mayorya sa kanila ay asymptomatic at mild cases lamang!


◘◘◘


ANG mga may mild cases at asymptomatic ay mas kahanay sa malulusog na tao, kaysa sa kagrupo ng mga may sakit.


Sapagkat maituturing na malusog ang asymptomatic at may very mild symptoms ng COVID — aktuwal at sentido-kumon na magpaparami ito ng bilang ng mga “gumagaling”!


◘◘◘


MAY mali sa eskema ng matematika na ginagamit ng DOH, IATF at Malacañang.

Maging ang nagpapakilalang OCTA Research ay kapos sa pang-unawa sa pundasyon at esensiya ng matematika.


Marami sa kanilang opinyon ay espekulasyon lamang—gayung ang matematika—ay “perfect science”!


◘◘◘


NAGKAKAMALI ng pag-aanalisa ang mga nagpapakilalang eksperto sapagkat hindi sila eksperto sa matematika, bagkus ay eksperto sila sa propaganda at public relations lamang.


Pera-pera lang kumbaga!


◘◘◘


SA prinsipyo ng modern at basic math, maaari lamang pagsama-samahin o sumahin ang mga figure na may pare-parehong coefficients.


Halimbawa, ang prutas ay bibilangin batay muna ang lahat ng mansanas, lahat muna ng bayabas o lahat muna ng manga!


◘◘◘


KUMBAGA, lilikumin muna o itatabi sa isang sulok ang 2x, 3x, 7x, at 12x.

Sa kabilang sulok, pagsasamahin mo muna ang lahat ng 3y, 5y, 8y at 10y.

Pagsasamahin lahat ng x at susumahin mo ang lahat ng y.


Hindi puwedeng isama mo ang o i-add ang x at y sa iisang figura lamang!

◘◘◘

SA madaling salita, ang mga may severe cases at critical cases ay bibilangin nang hiwalay sa mga asymptomatic na hiwalay din ang bilang ng mga may very mild cases.


Ang mga ito—ay magkakaiba ng “coefficient” o sitwasyon.


Pero, nakapagtatakang ang bilang ng mga gumagaling—ay kasama ang mga asymptomatic at very mild symptoms—na hindi dapat kasama sa datos!


◘◘◘


ANG positive sa COVID ay hindi kasingkahulugan ng “may sakit” at hindi dapat idikit ito sa bilang ng mga “nakarekober”.


Mahalaga ang pag-aanalisang ito, upang matukoy kung gumagrabe ba o hindi ang sitwasyon!


◘◘◘


WALANG puwang ang espekulasyon o kuwentu-kwento o dakdak sa matematika.

Perfect science ang mathematics.


Pero, ang mga nagpapakilalang eksperto ay mapagpanggap lamang kaya’t nagkakaletse-letse ang desisyon ng mga awtoridad!


◘◘◘


ANG pigura ng mga numero na inilalarawan gamit ang graph o daloy ng mga guhit—ay inaalisa, gamit ang “constant reference point”.


Kapag hindi stable ang daloy ng datos at may magkakaibang sitwasyon—hindi ito dapat inaalisa nang bara-bara.


Hinihintay muna maging “stable” ang data—at doon papasok ang sistematikong pag-analisa—na perpektong iskema at tinataya lamang sa “munting percent of error”!


◘◘◘


ANG error ay bahagi ng pagsuma kaya’t ito ay nagiging perpekto.


Ang mga adulterated, hindi authenticated, hindi validated na datos ay hindi dapat isinasama sa pag-aanalisa.


Sa kaso ng datos ng DOH at IATF, hindi inihihiwalay ang invalidated o unstable source ng data, bagkus ay itinuturing ang lahat ng natatanggap na datos na “genuine” na imposibleng bagay!


◘◘◘


SA dispalinghadong datos, nakabatay ang desisyon ng Malacañang.


Ibig sabihin, magiging dispalinghado din ang solusyon at aksiyon!


Walang halong personal ang pagtayang ito, bagkus ito ay teknikal.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page