top of page
Search
  • BULGAR

Mas maraming mamumuhunan, mas maraming pagkukunan ng enerhiya at fuel

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | March 13, 2022


Alternatibong pagkukunan ng kuryente sa ating bansa, dapat pa nating paramihin.

Ito ay upang maprotektahan ang mga consumer sa mga biglaang pagtaas ng presyo ng kuryente dulot ng mga hindi inaasahang sitwasyon tulad ng kaguluhan at gera.


Isa sa mga inaasahang epekto ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine ay ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa mga susunod na araw.


Dahil dito ay nabawasan ang supply at sumipa ang presyo sa pandaigdigang merkado ng ilan sa mga ginagamit na panggatong ng ating mga power plants tulad ng coal, bunker fuel, at liquified natural gas (LNG).


☻☻☻


Ayon sa 2020 Philippines Power Statistics ng Department of Energy (DOE), umabot sa 26,250 megawatts (MW) ang installed power capacity ng bansa sa taong iyon.


Sa pigurang ito, 71 percent ang mula sa non-renewable energy sources tulad ng coal, oil-based, at LNG. Halos lahat ito ay ini-import ng ating bansa.


Ang installed capacity naman mula sa renewable sources ay nasa 29 percent.


☻☻☻


Dahil halos lahat ng non-renewable energy sources natin ay ini-import ng bansa, apektado ang lahat ng Pilipino pagdating sa supply at demand ng mga ito.


Kung kaya’t hinihimok natin ang pamahalaan na mang-engganyo ng mas marami pang mamumuhunan at magtayo ng marami pang alternatibong pagkukunan ng enerhiya at fuel.


Pasiglahin pa natin ang exploration activities upang makatuklas ng deposito ng oil at gas sa ating onshore o nasa lupang bahagi ng ating bansa.


Palakasin din natin ang pagtatayo ng power plants na umaandar sa renewable energy sources tulad ng solar at wind energy.


Dapat tayong mag-develop ng indigenous o sarili nating pagkukunan ng enerhiya at fuel upang mabawasan ang ating pagdepende sa imported na langis at iba pa.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page