Mas maraming kababaihan, nakararanas ng sexual harassment sa workplace
ni Ryan Sison @Boses | December 14, 2023
Dapat mas paigtingin pa ang kampanya kontra sexual harassment sa lugar ng pinagtatrabahuhan o workplace.
Ito ang panawagan ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles, kung saan 22.8 porsyento ng mga empleyado sa buong mundo, kabilang dito ang Pilipinas, ang nakaranas ng karahasan at harassment sa trabaho, batay sa pag-aaral na isinagawa ng International Labor Organization, Lloyd’s Register Foundation, at analytics company na Gallup.
Kaugnay ito sa pagdiriwang ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women mula Nobyembre 25 hanggang ngayong Disyembre 12, 2023.
Ayon kay Nograles, ipinakita sa naturang pag-aaral na ang mga kababaihan ay bahagyang mas lamang kaysa sa mga lalaki na nakaranas ng karahasan at harassment sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Paliwanag din niya na kailangan nating kilalanin na ang tinatawag na gender-based sexual harassment ay totoo, at ito ay nangyayari pa rin, hindi lamang sa mga lansangan kundi pati na rin sa lugar ng trabaho. Aniya, ang tungkulin natin bilang mga civil servant ay bigyang-prayoridad at paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas, polisiya at programa na ginagawang safe at secure na kapaligiran, ang ating mga pinagtatrabahuan upang umunlad at maging magtagumpay ang mga kababaihan.
Kailangan nga sigurong palakasin at suportahan ang programang ito ng gobyerno bilang paglaban na rin sa karahasan at harassment lalo na sa mga kababaihan.
Marami na rin kasing mga babae ang nakakaranas ng tila pang-aabuso at pangha-harass ng kanilang mga boss habang hinahayaan na lamang nila itong mangyari at hindi nagrereklamo dahil siguro sa takot na puwede silang matanggal sa trabaho sakaling i-report nila ito sa kinauukulan.
Maaaring ganyan din ang nangyayari sa mga kalalakihan na todo-pasa na lang ang gagawin kahit sobrang nabubulyawan na at sinasaktan o kaya naman ay nahihipuan ng kanilang mga amo.
Sa mga nakararanas ng ganitong sitwasyon, dapat na manindigan at isumbong natin sa mga otoridad ang mga abusadong boss para makasuhan at maparusahan sila sa masamang gawain, at hindi na makapambiktima pa ng iba.
Mas makabubuti ring pairalin natin ang respeto sa ating kasamahan, anuman ang ating posisyon o katayuan sa trabaho. Ituring natin ang ating mga co-employee bilang kaibigan, kapatid o kapamilya. Matuto tayong magmalasakit sa isa’t isa.
Dapat din sigurong panatilihin natin ang kaayusan at katahimikan sa ating mga pinagtatrabahuhan para maging maganda ang ating pamumuhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments