Mas maraming guro, sagot sa suliranin sa edukasyon
- BULGAR
- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 26, 2025

Isa sa mga pangunahing suliranin na patuloy na hinaharap ng sektor ng edukasyon sa Pilipinas ay ang kakapusan sa bilang ng guro.
Sa kabila ng pagtaas ng populasyon ng mga mag-aaral at ang pangangailangan para sa dekalidad na edukasyon, hindi sapat ang bilang ng mga kuwalipikadong guro na naglilingkod sa iba’t ibang paaralan, lalo na sa mga liblib at mahihirap na lugar.
Ang kakapusan sa guro ay nagdudulot ng iba’t ibang problema sa sistema ng edukasyon.
Una, nagiging mahirap para sa mga mag-aaral na makakuha ng tamang gabay at atensyon mula sa kanilang mga guro.
Nagiging mabigat din ang trabaho ng mga guro na nand’yan, na nagreresulta sa pagbaba ng kalidad ng pagtuturo.
Bukod dito, nagkakaroon ng overcrowded classrooms na nakakasagabal sa maayos na pagkatuto ng mga estudyante.Upang masolusyunan ang problemang ito, nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ng gobyerno at ng Department of Education (DepEd) ang pagdaragdag ng pondo para sa edukasyon, pagsasagawa ng training programs at pagpapalakas ng suporta sa mga titser.
Ang edukasyon ang susi sa pag-unlad ng isang bansa. Hindi maaaring isantabi ang problema sa kakapusan sa guro dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng kabataan at ng buong sambayanan.
Dapat magkaisa ang pamahalaan, paaralan, at komunidad upang maresolba ang suliraning ito nang mabilis at epektibo.