Fireworks display, tiyaking safe

by Info @Editorial | November 24, 2026

Babala sa lahat ang nangyaring aksidente sa fireworks display sa Tangub City, Misamis Occidental, kung saan 18 katao ang naiulat na nasugatan matapos pumalya ang mga paputok sa pagbubukas ng Christmas Festival of Lights 2026.
Sa halip na masayang pagdiriwang, nauwi sa takot at kaguluhan ang selebrasyon nang lumipad at sumabog ang ilang paputok patungo sa mga manonood.
Ngayong papalapit ang Pasko at Bagong Taon, dapat magsilbing aral ang insidente sa mga lokal na pamahalaan at organizer ng mga fireworks display. Hindi sapat ang magarbong palabas kung nakataya naman ang buhay at kaligtasan ng publiko.
Kailangang tiyaking lisensyado at kwalipikado ang mga nangangasiwa sa pagpapaputok, may sapat na distansya ang mga manonood at nakahanda ang mga emergency responder sakaling magkaroon ng aksidente.
Dapat ding imbestigahang mabuti ang insidente sa Misamis Occidental upang matukoy ang sanhi at mapanagot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya.
Hindi masamang magsaya sa Kapaskuhan, ngunit hindi dapat ipagpalit ang kaligtasan sa ilang minutong fireworks display. Ang tunay na masayang pagdiriwang ay 'yung walang nasusugatan, walang napapahamak at ligtas na nakakauwi ang lahat.



Comments