Mas maraming bakunado, paraan para iwas-bagong COVID-19 variant
ni Ryan Sison - @Boses | February 02, 2022
Sa kabila ng patuloy na pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic, patuloy din sa pagbigay-babala ang mga eksperto sa mga posibleng mangyari kung maraming Pilipino ang mananatiling hindi bakunado laban sa sakit.
Nagbabala ang isang infectious disease expert na may posibilidad na may sumulpot pang variant of concern kung marami ang hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Ayon sa isang miyembro ng vaccine expert panel ng Department of Science and Technology (DOST), kailangang magpabakuna at magpa-booster shot na para sa mas mataas na proteksiyon.
Kahapon, ibinalik sa Alert Level 2 ang Metro Manila dahil sa pagbaba ng COVID-19 cases at paliwanag nito, posibleng matagal ngayon ang proteksiyon ng publiko laban sa COVID-19 dahil sa taas ng vaccination rate kung saan lagpas 50% na ng target population ang bakunado.
Kamakailan, nagpahayag ng kahandaang magpa-booster shot ang 80% ng matatandang fully vaccinated, base sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS). Habang 7% naman ang ayaw magpa-booster at 13% ang hindi pa sigurado.
Hindi naman sa pagiging nega, pero hindi pa ba tayo maniniwala ngayong eksperto ang nagbibigay-babala?
Isa pa, hindi tayo nananakot, nais lang nating malaman ng publiko ang posibleng mangyari kung marami ang mananatiling hindi bakunado.
Matatandaang sa mga naunang variant, sinasabing mas nakahahawa at nakamamatay ang mga ito at base sa mga ulat, ito talaga ang nangyayari. Ang masaklap, ang nakararanas ng malalang sintomas ng bagong variant ay ang mga hindi pa nababakunahan laban sa sakit.
Nakita naman na natin ang epekto ng bakuna — may tinamaan ng virus, mild lamang ang kanilang sintomas. Isa pa, talagang nakatulong ito sa pagbaba ng COVID-19 admission sa mga ospital.
Pero siyempre, hindi lang tayo dapat umasa sa bakuna. Kailangan pa rin itong sabayan ng pag-iingat at pagsunod sa minimum health standards.
Hindi lamang ito para sa ating mga sarili kundi para sa nakararami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments