top of page
TALKIES - MAYOR VICO, UMAMING NEVER NAISIP MAG-SHOWBI-IG _vicosotto.jpg

Mas malawak na voucher system, tulong sa kakulangan ng klasrum

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 26, 2023
  • 1 min read

@Editorial | August 26, 2023


Ilang pampublikong paaralan ang mapipilitan umanong magpatupad ng double hanggang triple shifts dahil sa napakataas na bilang ng enrollees.


Aminado ang Department of Education na napakahirap na maabot ang ideal ratio na 35 students per classroom lalo na sa “highly urbanized areas".


May mga sitwasyon umano na ang isang titser ay nagtuturo sa klase na may hanggang 60 estudyante.


Kahit pa nga mag-tatlong shifts ng klase ay sobrang dami pa rin umano ng mga estudyante.


Isa umano sa nagpapahirap sa pag-abot ng ideal class size ay ang kakapusan sa mga silid-aralan.


Kaya muling isinulong sa Kongreso ang panukalang palawakin ang “voucher system” para matugunan ang isyu sa kakulangan ng classrooms sa public schools.


Mas makakatipid umano ang gobyerno sa halip na magpagawa ng mga bagong paaralan, na mas magiging matagal din.


Sa kasalukuyan, ang sakop lamang ng voucher system ay ang senior high school students, kung saan ang mga junior high school completers sa public schools ay maaaring mag-aral sa private senior high schools gamit ang voucher mula sa Department of Education (DepEd).


Sa ilalim ng panukala, layon sanang masakop na rin ng voucher system ang Grade 6 graduates ng public schools.


Sa pamamagitan nito, hindi lang makakahinga ang mga pampublikong paaralan, matutulungan pang makabangon ang mga pribadong eskwelahan na lubhang naapektuhan ng pandemya.


Pag-aralan sanang mabuti ang panukala at maaaring ang solusyon sa napakatagal na nating problema sa edukasyon ay nand’yan lang, kailangan lang mas palawakin at bigyang-tuon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page