Mas malaking pirma at lalaking may kaya, kailangan ng dalagang super-hirap sa buhay
- BULGAR
- Jul 12, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 12, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong kumonsulta sa iyo tulad ng inyong mga fan dahil nais ko ring mabatid ang aking kapalaran. Isinilang ako noong January 6, 1999, ano ang kapalaran na naghihintay sa akin? Marami kasi akong mga pangarap na gustong marating, higit lalo sa pag-aaral, subalit pinanghihinaan ako ng loob.
Hindi ko alam kung ano ang nararapat kong gawin upang maabot ko ang aking mga pangarap sa buhay. Marami kasing hadlang sa plano ko, lalo na sa usaping pampinansiyal. Mahirap pala kapag mag-isa mong hinaharap ang buhay dahil kapag may nais kang abutin, wala sa iyong tumutulong. Wala kasing sumusuporta sa akin, itinataguyod kong mag-isa ang aking sarili para makapag-aral at paminsan-minsan ay nagpapadala pa ako ng pera sa nanay ko.
Sa ngayon, iniisip ko na lang na kumuha ng training para maging care giver. Sana isang araw ay dumating din ang suwerte sa akin at sa aming pamilya, pero sa paanong paraan mangyayari ‘yun, Maestro? Sana ay magabayan mo rin ang aking buhay upang ako ay suwertehin at magtagumpay.
Umaasa,
Cherry ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Cherry,
Dahil ikaw ay babae, ayon sa birth date mong January 6, 1999, lalaki ang magiging suwerte mo. Sa mas malinaw na salita, susuwertehin ka sa lalaki, kaya ang kailangan ay magkaroon ka ng boyfriend o asawa na may kaya sa buhay o mayaman dahil ‘yun ang daan upang matupad ang lahat ng iyong mga pangarap at sobra pa sa mga ito ang posibleng mangyari.
Bukod kasi sa mga taong may birth date na 5, 14 at 23, na sinusuwerte at yumayaman sa pag-aasawa, ang mga taong may birth date na six (6) tulad mo ay ganundin. Kaya lang, laging may problema sa puso at damdamin, pero alisin mo ang usapang damdamin, emosyon at pag-ibig, talagang lulutang ang isa sa pinakamapalad na numero sa aspetong propesyon at materyal ay ang mga taong may birth date na 6, 15 at 24, kung pipilitin nilang magka-boyfriend o makapag-asawa ng mayaman.
Kaya kung halimbawang nagka-boyfriend ka na tulad mong “manlulupa” o halos wala ring makain at nagkawindang-windang ang buhay mo at lalo kang naghirap nang ikaw ay magka-pamilya, ‘wag mong sisihin ang kapalaran dahil ngayon pa lang ay ipinapaalam at ipinapaliwanag ko na sa iyo na makakaahon ka sa kahirapan sa pamamagitan ng may kaya, mayaman o nakapag-aral na lalaking magiging boyfriend at mapapangasawa mo.
Samantala, bukod sa nasabing sikreto, upang siguradong makatagpo ka ng nabanggit na tipo ng lalaki, palagi ka ring magsuot ng kulay na pula tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.
Kapag naman sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 8, 17 at 26, pagsalit-salitin mo ang kulay na berde at dilaw, higit lalo kung ang nasabing petsa ay natapat sa araw ng Sabado, Linggo at Lunes.
At ang panghuling gabay upang makaahon ka sa kahirapan at matupad ang lahat ng mga pangarap mo sa buhay, medyo lakihan at buhayin mo naman ang iyong lagda.
Napakaliit kasi ng iyong lagda, kaya maliit na suwerte at kapiranggot na magagandang kapalaran lang ang dumarating sa iyong buhay. Subalit kung mula ngayon ay lalakihan mo na at bibigyang buhay ang letra sa iyong pirma, magbabago ang iyong kapalaran. Kahit hindi ka makatapos ng pag-aaral, dahil karamihan sa mga Capricorn ay hindi naman sa natapos niyang kurso nagtatagumpay kundi sa pagnenegosyo, tiyak ang magaganap – yayaman ka at matutupad ang lahat ng mga pangarap mo, na magsisimulang maganap sa taong 2034 sa edad mong 35 pataas.



Comments