Mas mainit na panahon, ibinabala
- BULGAR

- May 19, 2023
- 1 min read
ni Mai Ancheta | May 19, 2023

Aasahan ang mas mainit pang panahon sa susunod na 5 taon.
Ito ang ibinabala ng World Meteorological Organization ng United Nations sa harap ng mainit na panahon at nararanasang mataas na heat index sa bansa na posibleng aabot sa 1.5 degrees Celsius.
Ito umano ang kauna-unahan sa kasaysayan ng mundo sakaling mangyari dahil sa epekto ng climate change.
Ayon sa WMO, ang mas mainit na panahon ay posibleng dahil sa epekto ng pinagsamang El Niño at greenhouse gases na aasahang magdudulot ng hindi komportableng pakiramdam sa mamamayan.
Batay sa record ng PAGASA, nakapagtala na ng pinakamainit na 42 degrees heat index sa ilang lugar sa bansa nitong summer o tag-init.
Ayon pa sa WMO, mararamdaman ng halos lahat ng bansa sa mundo ang mas mataas na init ng panahon maliban sa mga bansang malamig ang klima partikular sa Alaska, South Africa, South Asia at ilang bahagi ng Australia.
Sinabi ni Thelma Cinco, Chief Climatology and Agrometeorology ng PAGASA, ang 1.5 degrees Celsius ay masyadong mainit at mayroon na aniyang kahalintulad na karanasan ang bansa noong 1997, 1998 at 2016.
"Ito ay magiging strong El Niño, so titingnan natin iyong mga nakaraan halimbawa 1997, 1998 na strong El Niño; 2009 at 2010 at iyong huli na 2014 to 2016," ani Cinco.




Comments