Mas maigsing oras ng pagtuturo, malaking tulong sa mga titser
- BULGAR

- Oct 3, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 3, 2024

Mas magiging magaan na para sa mga public school teacher ang oras ng kanilang pagtuturo sa mga mag-aaral.
Muli kasing iginiit ng Department ng Education (DepEd) na ang mga guro sa pampublikong paaralan ay hindi nire-require ng batas na magturo ng mahigit sa anim na oras bawat araw, batay na rin sa inilabas nilang guidelines para mabigyang-katwiran ang kanilang trabaho o workload.
Sa bagong memorandum ng kagawaran na nilagdaan ni DepEd Secretary Sonny Angara, nakasaad din na ang mga guro ay karapat-dapat para sa overload pay hanggang sa dalawang karagdagang oras kada araw, kapag lumampas sila sa tinatawag na 6-hour teaching limit.
Subalit kapag ang mga guro ay may mas mababa sa anim na oras ng aktuwal na pagtuturo, maaari silang i-assign sa mga gawaing nauugnay sa pagtuturo o teaching-related tasks pero dapat na proporsyonal ito sa oras na magagamit.
Sinabi naman ng DepEd na ang mga gurong nagtatrabaho na lampas sa kanilang regular na 6-hour teaching load ay maaaring makakuha ng vacation service credits.
Binigyang-diin ng kagawaran na matitiyak ng naturang guidelines na ang mga teaching overload ay pinamamahalaan ng malinaw, na may maliwanag na pamamaraan para sa kompensasyon at may pantay na pamamahagi ng workload.
Gayundin, ang mga guro ay magkakaroon ng kakayahang makumpleto ang kanilang mga ancillary o support tasks, habang mabibigyan sila ng opsyon na magawa ang mga gawain sa loob o labas ng iskul.
Ayon sa DepEd, ang mahalaga ay walang karagdagang reporting requirements na ipapataw. Sa halip ay imo-monitor na lamang ng mga guro ang kanilang mga aktibidad gamit ang logbooks, locator slips, o certificates of undertaking.
Matatandaang iniutos ni Angara ang pagrepaso sa workload at reportorial requirements ng mga guro upang maiwasan ang pagka-burnout ng mga ito.
Sa datos ng DepEd, mayroong higit sa 8,800 mga guro sa buong bansa na tumutugon sa mahigit 27 milyong mag-aaral, kung saan may kakulangan sa mga guro na umaabot sa 58,000.
Makabubuti talaga para sa ating mga guro na gawing anim na oras na lamang ang kanilang pagtuturo sa mga mag-aaral.
Dahil dito ay mababawasan na ang kanilang napakaraming workload at mahaba-haba na rin ang kanilang magiging pahinga na maganda sa kanilang kalusugan.
May iba kasi sa kanila ay nakakaranas ng sobra sa trabaho at underpaid pa, na kung minsan ay nakakaapekto sa kalidad ng pagtuturo gayundin sa performance ng mga mag-aaral.
Kumbaga, exhausted na ang ating mga guro sa maghapon nilang pagtuturo at mga gawain sa iskul.
Sa ganang akin ay tama lamang ang pagpapatupad nito para na rin sa kapakanan ng ating mga guro. Gayundin, sana ay pag-ukulan pa nang husto ng pamahalaan ang sektor ng edukasyon.
Hiling din natin sa kinauukulan, patuloy na mag-isip ng mga makabuluhang programa at tunay na may pakinabang sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments