Mas mahigpit na restrictions, kailangan nang ibalik!
- BULGAR

- Mar 12, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | March 12, 2021
Pagbalik ng curfew, liquor ban at patuloy na pagpapaalala sa publiko na sundin ang itinakdang minimum health standards.
Ito ang nakikitang paraan ng ilang eksperto upang malabanan ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Paliwanag ng eksperto, malaki ang posibilidad na mas lumala pa ang sitwasyon sa Metro Manila kumpara sa nangyari noong Agosto 2020 kung saan naging mabilis ang pagkalat ng COVID-19 kung hindi maaagapan ang pagdami ng kaso.
Matatandaang noong Agosto 3, 2020, nakapagtala ang bansa ng 5, 032 bagong kaso ng COVID-19. At base sa unang forecast ng OCTA Research Group, posibleng umabot sa 5,000 hanggang 6,000 ang bagong kasong maitatala kada araw bago magtapos ang Marso.
Kaya naman para maiwasan ito, suhestiyon ng eksperto, patuloy na ipaalala sa publiko ang mga umiiral na health protocols, ibalik ng mga lokal na pamahalaan ang curfew at liquor ban, gayundin ang age restrictions.
Samantala, iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkakaroon ng uniform curfew hours sa Metro Manila dahil magiging madali umano ang pagpapatupad nito kung isa lang ang sinusunod na oras ng 16 siyudad at nag-iisang munisipalidad sa rehiyon.
Inirerekomenda ng DILG na gawing alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw ang curfew.
Sa kasalukuyan, ang ilang lugar sa Metro Manila ay nagpapatupad ng curfew mula alas-10:00 ng gabi, habang ang iba naman ay mula alas-12:00 ng gabi at natatapos ito ng alas-3:00, alas-4:00 at alas-5:00 ng madaling-araw, depende sa lokalidad.
Sa totoo lang, nakakaalarma ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases at hindi puwedeng wala tayong gawin upang mapigilan ito.
Sa mga ganitong pagkakataon natin dapat pakinggan ang mga opinyon o suhestiyon ng mga eksperto, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, ikonsidera ang muling paghihigpit bilang hakbang kontra pandemya.
Isa pang maaaring gawin para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay ang pag-iwas sa leisure activities, get together at gatherings.
Panawagan natin sa lahat, gawin ang ating obligasyon bilang mamamayan nang sa gayun ay maitulong tayo sa ating laban kontra pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments