top of page
FRANKLY - ANAK NI PATRICK, LALONG NA-BASH AT NA-BULLY-IG _onlypatrickgarcia.jpg

Mas mahabang pasensya sa panghuhuli sa traffic violators

BULGAR
Sep 4, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 4, 2022


Ilang araw matapos suspindehin ng Korte Suprema ang No Contact Apprehension Policy (NCAP), muling ipinakalat ang mas maraming traffic enforcers sa mga lansangan.


Ito ay bilang pagresponde ng Korte Suprema sa dalawang petisyon na ipatigil ang polisiya gawa ng iba’t ibang dahilan.


Gayunman, tiniyak ng ilang lokal na pamahalaan na tatalima ang mga ito sa utos ng Kataas-taasang Hukuman hinggil sa pansamantalang pagtigil ng pagpapatupad ng NCAP.


Ngunit kasabay nito, nanindigan ang ilang LGU na maraming benepisyo ang naidulot ng polisiya sa trapiko.


Base umano sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa road safety, bumaba nang 47% ang kabuuang bilang ng mga fatal at non-fatal injuries dahil sa mga aksidente sa kalsada matapos ipatupad ang NCAP sa Maynila.


Sa datos naman ng Manila Police District (MPD), bumaba rin ang bilang ng mga road accidents nang hanggang 62% dahil sa polisiya, habang bumaba naman ang traffic violations ng mga motorista sa napakalaking 90% base sa daily average na kanilang naitala.


Patunay umano ang mga datos na malaking tagumpay ang NCAP upang maiayos ang trapiko, maiwasan ang gridlocks at mabawasan ang bilang ng pinsala at pagkamatay mula sa aksidente, gayundin ang traffic rules violations.


Samantala, nangako naman ang MMDA na paiigtingin ang panghuhuli sa mga traffic violators.


Nagdagdag na umano ng traffic enforcers sa kahabaan ng EDSA, C5 Road, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, Roxas Boulevard at Macapagal Boulevard, kung saan nakakabit ang mga CCTV na ginagamit sa NCAP.


Kung titingnan ang mga datos, may mga mabuti ring naidulot ang NCAP, pero ngayon, marahil ay no choice kundi tumalima sa utos ng Korte Suprema. At kung muling ipatutupad ang NCAP, hangad nating may mas maayos nang panuntunan para maiwasan ang kalituhan.


Ngunit sa ngayon, balik sa dating gawi. Balik-kalsada ang mga traffic enforcers, kaya naman pakiusap natin na habaan ang pasensya sa panghuhuli ng mga pasaway sa kalye.


Isa pa, kapag may pasaway, sampolan para maturuan ng leksyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page