top of page

Mas mabigat na parusa sa walang habas na magtatapon ng basura

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 22
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 22, 2025



Boses by Ryan Sison


Dahil matagal nang problema ang tambak na basura partikular na sa Kamaynilaan, nararapat lamang na mas mabigat ang parusa sa mga walang pakundangang nagtatapon ng mga ito at mga walang disiplina, na nagdudulot na rin ng pagbaha sa mga kalsada at pagbara sa mga daluyan ng tubig. 


Kaya naman isinusulong ng Metro Manila Council (MMC), sa pamumuno ni San Juan City Mayor Francis Zamora, ang panukala na patawan ng P5,000 multa sa unang paglabag ang mga mahuhuling maling magtatapon ng basura. 


Ayon kay Zamora, matagal nang umiikot ang parehong isyu, paulit-ulit ang paglabag dahil magaan ang parusa at kulang ang takot ng publiko. Kung mas malaki ang multa, mas mabigat ang dala nitong takot sa mga gagawa ng itinuturing na kasalaulaan. Aniya, hindi rin bago ang patakaran. Napatunayan na epektibo ang pagkakaroon ng mas mahigpit na parusa, gaya noong Wattah Wattah Festival sa San Juan kung saan walang naitalang paglabag dahil malinaw ang mga alituntunin at ramdam ng mga tao ang bigat ng kaparusahan. Sa madaling salita, gumagana ito kapag seryoso ang gobyerno sa pagpapatupad.


Kaugnay nito ay nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng malawakang paglilinis sa isang ilog sa naturang lugar. Gumamit sila ng mga backhoes, cranes, at dump trucks upang maghakot ng basura at mag-desilt ng ilog para mas lumalim at mas kaya nitong i-hold ang tubig tuwing may malalakas na pag-ulan. Dito ay dalawang trak ng basura ang nakolekta ng ahensya. 


Binigyang-diin naman ni MMDA chairman Romando Artes, na layon ng programang ito na muling ibalik ang natural na daloy ng tubig, bawasan ang pagbaha, at isulong ang pananagutan sa kapaligiran. Gayundin aniya, nais nilang patuloy na luminis ang mga ilog at mga estero sa iba’t ibang lugar.  


Isang paalala ito na ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lang trabaho ng gobyerno kundi tungkulin ng lahat. 


Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong mga kampanya. Paulit-ulit na ang paglilinis, pero bumabalik-balik din ang napakaraming basura. Ang pagtaas ng multa sa paglabag at walang habas na pagtatapon ng basura ay hindi lamang parusa, ito ay isang hakbang upang iparamdam sa publiko na ang kawalan ng disiplina at pagrespeto sa kapaligiran ay may kapalit na pagdurusa, maging batas man ito ng tao o ng kalikasan. 


Gayundin, ang mas mabigat na parusa ay maaaring maging mabisang panimula, subalit higit pa sa pera, ang tunay na kailangan ay pagbabago ng ating mentalidad. 

Isipin sana natin na ang kalinisan ay sumasalamin ng ating pagkatao, at hindi lang bilang masunuring mamamayan. 


Kinakailangan maging mas mahigpit sa mga polisiya upang maprotektahan ang ating kapaligiran nang sa ganoon ang mga susunod na henerasyon ay may aabutang malinis at maayos na lipunan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page