top of page
Search
  • BULGAR

Mas mabigat na parusa sa smugglers, gawin na

ni Ryan Sison @Boses | November 19, 2023


Sa wakas may nahuli at kinasuhan na ring smuggler ng mga produktong agrikultura ang pulisya.


Ayon sa report ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., isang bigtime onion smuggler ang inaresto ng mga otoridad.


Aniya, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Edilu Hayag ng Manila Regional Trial Court hinggil sa paglabag sa Republic Act 10845, o ang batas na nagdedeklara ng large-scale agricultural smuggling na itinuturing bilang isang economic sabotage, dinakip ang suspek na si Jayson de Roxas Taculog sa Batangas at hindi ito pinayagang makapagpiyansa.


Paliwanag ng DA, hinuli ng pulisya si Taculog dahil sa paggamit nito ng mga peke, fictitious, o fraudulent import permits o shipping documents. Maliban pa sa hindi pagbabayad ng tamang buwis at duties, kinasuhan din siya ng misclassification, undervaluation, o paggawa ng false declarations ng import entry at revenue declaration forms na isinumite sa Bureau of Customs.


Matatandaang ang DA, BOC at Philippine Coast Guard ay nakakumpiska ng P78.9 milyong halaga ng illegally imported agricultural goods kung saan naka-consign sa Taculog J International Consumer Goods Trading sa magkakahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port (MICP) mula Disyembre 2022 hanggang Enero 2023.


Sinabi pa ni Laurel na ang mga smuggler at hoarder ay sumisira hindi lang sa kabuhayan ng ating mga magsasaka kundi pinagsasamantalahan din ng mga ito ang mga Filipino consumers dulot ng mataas na presyo ng pagkain.


Mabuti naman na talagang may naipakulong nang smuggler sa tulong ng pulisya, korte at ng naturang kagawaran.


Kung tutuusin, ang mga smuggler at hoarder ang totoong nagpapahirap nang husto sa sektor ng agrikultura at lalo na sa mga mamamayan.


Ang gusto lang kasi ng mga ito ay makapanlamang sa kapwa at kumita ng malaking pera na tila nawawalan na rin ng kanilang konsensya. Hindi rin nila naiisip na marami ang nagugutom na mga kababayan at hirap na hirap sa buhay dahil sa kanilang masamang gawain.


Kaya tama lang na hulihin ng kinauukulan at patawan sana ng mas mabigat na parusa ang mga smuggler at hoarder para hindi na sila dumami pa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page