Mas mabigat na parusa sa mga pasaway na tumatawid sa highway
- BULGAR
- Sep 21, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 21, 2023
Patawan ng mas mabigat na parusa ang mga mahuhuling jaywalkers o iyong mga tumatawid sa hindi tamang tawiran.
Ito ang iminungkahi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. partikular na sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at C-5 Road.
Ayon kay Abalos, layon nitong mapigilan ang mga pedestrian na tumatawid sa mga delikadong highway dahil mapanganib ito para sa kanila at maaaring nilang ikamatay.
Hinimok din ng kalihim ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga concerned local government units (LGUs) na pag-aralan ang kanyang suhestiyon.
Sinabi ni Abalos na mabibilis ang mga sasakyang dumaraan sa mga highway gaya ng EDSA at C-5 kaya mapanganib talagang tumawid dito. Umaasa siyang mapag-aaralan ng MMDA at mga LGUs na nakakasakop sa EDSA na ipatupad ito.
Ang mga LGUs na nakakasakop sa EDSA ay ang Caloocan, San Juan, Quezon City, Mandaluyong, Makati, at Pasay.
Suportado naman ni MMDA Chairperson Romando Artes ang panukala ng DILG chief, at sinabing makatutulong ito para madisiplina at sumunod sa batas-trapiko ang publiko.
Aniya pa, pabor siya sa panukala ni Abalos na taasan ang multa para sa mga lalabag sa jaywalking.
Sa kasalukuyan, may multang P500 o community service ang sinumang mahuhuling tumatawid sa maling lugar, partikular sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Hindi maiiwasan na marami talagang pasaway na mga pedestrians, na kahit na alam na bawal na tumawid at may mga signage na ay gagawin pa rin ang gusto, lalo na kung walang nakatingin na mga enforcers.
Hindi kasi nila naiintindihan ang naghihintay na panganib at kapahamakan tuwing tatawid sa maling tawiran.
Subalit, kung magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mahuhuling jaywalkers ang kinauukulan, tiyak na mapipigilan ang mga tao sa pagtawid sa mga highways at gagamit na lamang ng footbridge.
Sana, matuto at sumunod din tayo sa ipinatutupad na batas para na rin ito sa ating kabutihan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments