top of page
Search
  • BULGAR

Mas mabigat na parusa sa abogadong sangkot sa ‘demanda me’ ng dayuhan

ni Ryan Sison @Boses | October 11, 2023


Kung sino pa ang itinuturing na maalam, nag-aral ng batas at tagapagtanggol o tagapayo ng publiko ay sila pang gumagawa ng katiwalian.


Kaya naman iminungkahi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Senado, sa budget hearing ng kagawaran, ang paggawa ng batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga abogadong tutulong o masasangkot sa “Demanda Me” system na ginagawa ng mga dayuhan.


Sinabi ni Remulla na ang “Demanda Me” racket ay pinagkakakitaan na ng ilang abogado.


Nagbabayad sa mga abogado rito sa bansa ang mga foreign nationals, para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kanilang sarili upang maiwasan ang deportasyon.


Ayon sa kalihim, mas mahalaga na malaki ang penalties sa mga lawyer na mag-a-assist ng ‘demanda me’ raket na ginagawa ng mga dayuhan, kung saan nagiging pangkabuhayan na. Aniya, may ‘demanda me’ package pa na ginagawa ang mga abogado minsan para hindi mapa-deport ang mga naturang foreigner at nananatiling matagal sa bansa.


Iginiit din ni Remulla ang pangangailangan para sa isang batas na kaagad o “immediately” na magwe-waive sa mga umano’y gawa-gawang kaso na inihain ng mga dayuhan laban sa kanilang sarili.


Sa ilalim ng ating batas, hindi maaaring i-deport ang isang dayuhan kung may pending cases dito sa Pilipinas.


Inihalimbawa naman ng DOJ chief ang ginawa ng isang babae na nagsampa ng kaso laban sa kanyang Japanese boyfriend dahil sa umano’y paglabag sa Violence Against Women and Children (VAWC) Act. Subalit aniya, madalas naman ang nobya na bumibisita at laging nagbebeso-beso pa pero may VAWC siyang isinampa laban sa Japanese boyfriend.


Napansin din umano nila ang ganitong raket nang makitang kalahati sa mga nakakulong na foreign nationals ay mismong sila ang nagpapasampa ng kaso sa kanilang mga sarili.


Mainam nga sigurong patawan ng mas mabigat na parusa ang mga mapapatunayang tiwaling abogado para hindi na sila dumami pa.


Sa kabila kasi ng kanilang husay at talino bilang tagapagtanggol ng taumbayan at tagausig sa mga kriminal ay sila pa itong nakikipagsabwatan at gumagawa ng katiwalian.


Sana lang, madaliin na ng kinauukulan ang ipapatupad na batas na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga abogadong masasangkot sa ganitong gawain.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page