Mas ‘essential’ ang mga doktor kaysa kay Roque
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 15, 2021
IMBES NA COVID-19 TESTING CENTER AT CONTACT TRACERS ANG BUHUSAN NG BUDGET, PHARMALLY PA ANG MAS PINONDOHAN—Kabilang sa mabisang paraan sa paglaban sa COVID-19 ay ang mass testing at contact tracing, kaya lang ay hindi na ito gaanong magawa sa Pilipinas dahil ang budget sa testing center na Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay binawasan ng P170 milyon, tapos sabi ni contact tracing czar, Mayor Benjamin Magalong ay hindi na binigyan ng budget ang kanyang tanggapan para pampasuweldo sa mga contact tracers.
Sa ginawang ‘yan ng Malacañang, dapat pa bang i-memorize kung bakit higit 20-K daily na ang nadadale ng virus sa bansa?
Pambihira, imbes na testing center at contact tracers ang paglaanan ng budget, eh, ang pera ng bayan ay ibinuhos ng PS-DBM (Procurement Service-Dept. pf Budget and Management) sa Pharmally Inc. na pag-aari ng mga Chinese na wanted sa Taiwan na may kasong fraud, na may ‘konek’ kay Yang Hong Ming, aka Michael Yang na kaibigan ni P-Duterte, pwe!
◘◘◘
HINDI MASISISI ANG 11 DOKTOR NA NAG-RESIGN KASI TINITIPID SILA SA RISK ALLOWANCE, TAPOS TUMITIBA NG BILYONES SA PERA NG BAYAN ANG PHARMALLY NA MAY KONEK KAY MICHAEL YANG—Hindi masisisi ang 11 doktor ng PGH (Philippine General Hospital) na mag-resign sa tungkulin sa gitna ng pandemya kasi tipid na tipid ang risk allowance na bigay sa kanila ng Duterte gov’t., tapos mababalitaan nilang tumiba ng bilyun-bilyong pera ng bayan ang Pharmally.
Sa totoo lang, kung maayos ang trato at maganda ang benepisyong ibinibigay ng Duterte gov’t. sa mga health workers na frontliners sa laban sa COVID-19 ay hindi magre-resign ang mga ‘yan, period!
◘◘◘
BIGYANG-HALAGA ANG MGA HEALTH WORKERS, SIBAKIN NA SI ROQUE—Ngayong may mga nagsisipag-resign ng mga doktor sa gitna ng pandemya, dapat ipadama ni P-Duterte sa mga health workers na mahalaga sila bilang frontliners sa laban sa COVID-19.
Bukod sa pagbibigay ng dagdag-benepisyo, isa sa mga dapat gawin ni P-Duterte ay sibakin sa puwesto si Presidential spokesman Harry Roque na nam-bully, nanduro at nambastos sa mga health workers.
Hindi dapat dedmahin lang ni P-Duterte ang ginawang pananaray ni Roque sa mga doktor kasi sa totoo lang ay mas essential ang mga health workers sa laban sa COVID-19, kaysa sa kanyang taklesang presidential spokesman, boom!





Comments