Martin target ang laban sa feather at super-bantamweight

by Gerard Arce @Sports News | November 4, 2026

Photo: Pumorma ng pasuntok si Carl James Martin at coach at amang si Abel Martin makaraang magwagi ng split decision kay David Picasso ng Riyadh, Saudi Arabia at makuha ang korona ng WBC Super Featherweight sa PSA Forum sa PSC Media Room. (Gen Villota)
Bukas sa posibilidad na sumabak sa mga bigating boksingero mula sa featherweight division, gayundin ang lumaban para sa korona ng World Boxing Organization (WBO) title belt si unbeaten Pinoy boxer Carl Jammes “Wonderboy” Martin kasunod ng malaking tagumpay nitong nagdaang weekend kontra dating world challenger David Picasso ng Mexico.
Hawak ng 27-anyos na southpaw ang bagong korona na World Boxing Council (WBC) Silver Featherweight 126-pound title na napagwagian sa bisa ng 10-round split decision sa Mexico vs. The World undercard match sa Kingdom Arena sa Riyadh, Saudi Arabia.
Naglatag ng ilang mga pagpipiliang desisyon si Martin, kasama ang kanyang ama na si Abel, sa ginanap na Philippine Sportswriters Association Forum sa Philippine Sports Commission media room kahapon tungkol sa mga sunod na nais makalaban, kabilang ang korona ng WBO, kung saan siya ang No.1 contender.
"Para sa akin gusto ko 'yung mas mataas pa kay Picasso. Yung nasa top 3 o top 4 ranking and gusto natin yung mas mabigat pa na pangalan, at world championship para sa susunod,” pahayag ni Martin sa sports program. “Pero mas priority namin yung championship sa super-bantamweight division. But kung may offer naman na championship sa featherweight, doon muna ako mag-stay.”
Kasalukuyang hinahawakan ni two-time undisputed at undefeated Japanese boxer Naoya “The Monster” Inoue ang lahat ng korona sa 122-lbs division.





Comments