Martin Romualdez, dedma sa P12-B naraket ng Pharmally pero nanghihinayang sa P8-B gastusin
sa Bgy. at SK elections
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 29, 2022
INCOMING SPEAKER, NANGHIHINAYANG SA P8-B GASTUSIN SA HALALANG PAMBARANGAY PERO DEDMA LANG SA P12-B NARAKET NG PHARMALLY SA GOBYERNO? – Sa imbestigasyon noon sa Senado ay nabulgar na pumalo sa higit P12 billion worth ng mga medical supplies ang umano'y naraket sa gobyerno ng Pharmally Corporation, ang kumpanyang pag-aari ng mga wanted sa kasong fraud sa Taiwan, na may konek kay Michael Yang na bestfriend ni P-Duterte, at sa kabila ng ganyang kalaking naraket ay dedma lang sa isyung ito si House Majority Floorleader Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ulitin natin ha, dedma lang si Romualdez sa sinasabing P12-B naraket ng Pharmally sa pamahalaan pero ngayong siya na ang napipintong maging House Speaker, aba'y nanghihinayang siya sa P8 bilyong gagastusin sa Barangay at SK (Sangguniang Kabataan) Elections kaya't ipapa-postpone daw niya ang halalang pambarangay sa December 5, 2022, buset!
◘◘◘
PARTYLIST NG MGA LOLO AT LOLA AYAW IPROKLAMA NG COMELEC PERO PARTYLIST NG MGA TRAPO AGAD-AGAD PROKLAMADO – Isa sa nagwagi sa nakaraang halalan ay ang Senior Citizens United Partylist, pero hindi ito ipinroklama ng Comelec dahil may nakabimbin pa raw itong disqualification case sa komisyon.
Ibang klase rin naman itong Comelec sa Pinas, kasi mantakin n'yo, ang partylist na magre-represent sa mga lolo at lola sa Kongreso ay ayaw iproklama pero ang partylist na pag-aari ng pamilya ng mga trapo (traditional politicians) ay agad-agad ipinroklama, mga pwe!
◘◘◘
KAPAG SA OIL PRICE INCREASE SOBRANG TAAS, KAPAG SA ROLLBACK SOBRANG BABA – Noong nakaraang linggo ay tumaas ng P3.95 per liter ang presyo ng gasolina at bumaba naman ng P2.35 ang kada litro ng diesel, pero next week ay baligtad naman ang mangyayari kasi bababa naman ng P1.50 ang per liter ng gasolina, at tataas naman ng hanggang P1.20 ang kada litro ng diesel.
Napuna n'yo, na kapag sa oil price increase laki ang itinataas ng presyo, pero kapag sa rollback ang baba.
Ganyan kung ungguyin ng gobyerno ang sambayanang Pinoy, period!
◘◘◘
REKOMENDASYON NG DUTERTE GOV'T. SA MARCOS GOV'T., TAASAN ANG EXCISE TAX SA BIBILHING MOTORSIKLO NG MGA RIDERS – Inirekomenda ng Duterte gov't. sa papasok na Marcos gov't. na patawan ng dagdag na excise tax ang presyo ng mga motorsiklo upang ang malilikom na buwis dito ay maipangdagdag pambayad sa malaking utang ng Philippine gov't.
Mantakin n'yo, ipinakita ng milyun-milyong riders ang pagmamahal nila kay P-Duterte kaya ibinoto nilang vice president ang anak nitong si VP-elect Sara Duterte, tapos ang rekomendasyon ng Duterte gov't. sa Marcos gov't. ay pahirapan sila (riders) sa pamamagitan ng pagpataw ng excise tax sa mga bibilhin nilang motorsiklo sa bansa, boom!





Comments