Marinero, hinaplit agad ang Game 1 ng Aspirants Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 22, 2022

Naiwasan ng Marinerong Pilipino ang peligro sa huling mga sandali ng laro upang talunin ang EcoOil-De La Salle, 72-67, sa Game One ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup Finals kahapon sa Araneta Coliseum. Humugot ng malaking numero ang Skippers sa mga maaasahang sina Juan Gomez de Liano, Jollo Go at Adrian Clarence Nocum upang kunin ang unang hakbang patungo sa unang kampeonato ng koponan sa liga.
Ipinasok ni Gomez de Liano ang bola upang itulak ang Marinero sa 68-64 na lamang subalit sinagot ito agad ng 3-points ni Evan Nelle upang magbanta ang Green Archers na may 37 segundong nalalabi, 67-68. Napilitan bigyan ng foul si Go na walang kabang na-shoot ang dalawang free throw upang lumayo, 70-67, at hindi tumama ang tres ni Nell na magpapatabla sana sa laban.
Sinelyuhan ni Arvin Gameboa ang laro sa kanyang 2 free throw buhat sa foul ni Michael Phillips. Maaaring tapusin na ng Skippers ang seryeng best-of-three sa Miyerkules sa Araneta Coliseum muli.
Tumalon ang Marinero sa 24-12 na lamang at kinuha ang first half, 33-23. Biglang nabuhay ang Green Archers at mahigit na dinoble ang kanilang puntos upang lumamang sa pagwakas ng 3rd quarter, 52-51, sa likod nina Deschon Winston at Kevin Quiambao subalit kinapos sila sa huli,
First quarter pa lang ay nagbagsak ng 10 puntos si Nocum bilang bahagi ng kanyang kabuuang 22 puntos at sinundan ni Go na may 15 at Gamboa na may 14 puntos. Matindi rin ang pangkalahatang numero ni Gomez de Liano na 9 na puntos, 14 rebound at 7 assist.
“Nagsimula ang lahat sa depensa at iyan ang tinutukan namin sa ensayo,” paliwanag ni Nocum pagkatapos ng laro. Inamin din nina Nocum at Gomez de Liano na lalong determinado na sila na kunin ang kampeonato para sa Marinero at sa kanilang mga hindi nagsasawang taga-suporta.
Laro ngayong Miyerkules – Araneta Coliseum 12:00 PM Marinerong Pilipino vs. EcoOil-DLSU





Comments