Marinero at Eco Oil-DLSU, masigasig sa D-League semis
- BULGAR
- Aug 13, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 13, 2022

Ginulat ng Marinerong Pilipino ang numero unong Apex Fuel-San Sebastian, 74-66, sa pagbubukas ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup semifinals kahapon sa Araneta Coliseum. Sinundan ito ng kumbinsidong 89-74 tagumpay ng EcoOil-De La Salle sa Adalem Construction-St. Clare College upang lumamang ng 1-0 sa kanilang seryeng best-of-three.
Umarangkada agad ang Skippers sa 9-0 lamang at hindi nila binitiwan ito. Umakyat ang agwat sa 17 sa gitna ng 4th quarter, 72-55, bago tapyasan ito ng Stags.
Bumida sa Marinero si Juan Gomez de Liano sa kanyang 16 puntos, 10 rebound at 7 assist. Sinuportahan siya ni Arvin Gamboa na may 15 at Jollo Go na may 14 puntos.
Nanguna sa Stags si Camillus Altamirano na may 12 puntos. Nag-ambag ng 11 ang nagbabalik na si Ken Villapando at 11 din si Tristan Felebrico.
Mula sa huling tabla na 52-52, humataw ang EcoOil sa dalawang 3-points nina Mark Nonoy at Deschon Winston na naglaro sa unang pagkakataon ngayong torneo at dunk ni Kevin Quiambao upang makuha ang 3rd quarter, 60-53. Biglang gumuho ang Saints sa gitna ng mahigpit na depensa at umakyat ang Green Archers sa pinakamalaking lamang, 78-57, sa pagsanib puwersa nina Winston, Quimbao at Cyrus Austria.
Naging sulit ang paghihintay na makabalik sa koponan ni Winston na nagsabog ng 24 puntos. Tumulong si Quiambao sa 18 puntos habang tig-15 puntos sina Nonoy at Austria.
“Mas ganado kami maglaro ngayon kasi kumpleto na kami,” wika ni Austria. Ipinaliwanag ni Coach Frederick Pumaren na tinapatan nila ang enerhiyang dala ng Adalem Construction sa simula at dinaan sa depensa upang makamit ang panalo.





Comments