Marinduque Gov. Go, kinasuhan sa $100M Marcopper settlement

ni Mylene Alfonso @News | November 19, 2026

Photo: Gov. Melecio Go - Marinduque
Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman sina Marinduque Governor Melecio Go at Provincial Legal Officer Benedict Cartagena matapos ireklamo noong Nobyembre 13 dahil sa umano'y paghadlang sa pagpapatupad ng $100-milyong Marcopper settlement.
Sa 65-pahinang reklamo, inakusahan sila ng mga residente ng gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa mga nagreklamo, paulit-ulit umanong kinuwestiyon ng dalawang opisyal ang kasunduan sa Barrick Gold Corporation kahit inaprubahan na ito ng Court of Appeals noong Oktubre 3, 2025.
Partikular na tinukoy ang umano'y hindi pagpirma ni Go sa mga dokumentong kailangan upang mailabas ang unang $50 milyon mula sa escrow account sa Singapore. Inakusahan din si Cartagena ng paghingi sa bangko na panatilihing bukas ang naturang account.
Gayunman, nailipat ang $50 milyon sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan noong Oktubre 16 sa pamamagitan ng unilateral instructions ng Barrick.
Iginiit ng mga nagreklamo na naantala ang rehabilitasyon ng mga komunidad na naapektuhan ng trahedya sa pagmimina ng Marcopper at hiniling na papanagutin ang dalawang opisyal.





Comments