top of page

Maria ng West Philippine Sea, ipanalangin mo kami

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 13, 2024
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 13, 2024



Fr. Robert Reyes


Napakahalaga ng mahal na Inang Maria para sa maraming mamamayan. 

Makikita ito sa rami ng simbahan na kinuhang patron ang mahal na Ina ng Diyos, Ina ni Kristo. Kaya maaalala ang madalas na pagtawag ni Jaime Cardinal Sin sa ating bayan na “… Pueblo Amante de Maria.” Tayo ang bansang mahal ng Inang Maria.


Maaalala rin ang malinaw na debosyon kay Maria na kalat na kalat sa napakalaki at napakalawak na dagat ng tao sa EDSA noong unang People Power Revolution ng Pebrero 22-25, 1986. 


Makikita sa iba’t ibang sulok ng EDSA ang imahe ng Birhen ng Fatima o Birhen ng Lourdes. Makikita sa EDSA ang mga madre, seminarista, pari at layko na walang sawang nagdarasal ng rosaryo para sa mapayapang kalutasan ng umiigting na tunggalian sa pagitan ng mga sundalo at pulis na panig, at hindi kay Pangulong Ferdinand Marcos.


Alam ng lahat ng mamamayan at ng buong mundo ang nangyari. 


Natapos nang mapayapa ang nagsimulang rebolusyon sa pamamagitan ng panalangin at pagpipistahan sa kahabaan ng EDSA. Kaya sa kasaysayan ng mundo, hindi malilimutan ang isa sa pinakaunang mapayapang rebolusyon laban sa pangulong diktador.


Sa isinagawang presscon ng Atin Ito (ang grupong muling magsusulong ng unang “Civilian Mission to the West Philippine Sea”) noong nakaraang Miyerkules, nabanggit ng dating Associate Justice Antonio Carpio ang WPS. At sa kanyang paliwanag sa planong ikalawang Civilian Mission sa Bajo de Masinloc, Zambales, naihambing niya ang paglalayag sa dagat bilang kakaibang EDSA, ang EDSA sa dagat.


Noong mga nakaraang araw, nabanggit din ng isang kaibigang manunulat ang kahalagahan ng isang imahe ng Inang Maria sa kasalukuyang usapin ng kapayapaan at soberanya hinggil sa WPS. Bakit hindi natin imungkahi sa lahat, lalo na ngayong buwan ng Mayo, buwan ni Maria (Flores de Mayo) na alalahanin at hingin ang tulong ni Maria, Ina ng Karagatan o Maria, Stella Maris?


Pinasalamatan ko ang kaibigang manunulat sa mungkahi. “Magandang mungkahi ito, salamat,” ang sabi ko sa kanya. Kaya dali-daling naghanap kami ng imahe ni Maria, Tala ng Karagatan at pinalad naman kaming makakita ng naturang imahe sa Tayuman.


Maisasama natin ang imahe ni Maria, Tala ng Karagatan sa magaganap na pangalawang “Civilian Mission to the West Philippine Sea” sa Mayo 14-17, 2024.


Marahil ito rin ang isang kakaibang paglalayag na kasama ang imahe ni Maria, Tala ng Karagatan. Kanino na nga ba ang dagat, ang langit, ang lupa? Sa Diyos, ang manlilikha ng lahat ng ito at nararapat na bantayan at alagaan ang lahat ng Kanyang nilikha.


Ngunit, madalas mangyari ang kabaliktaran sa kasaysayan. Sa halip na mahalin at alagaan ng tao ang kalikasang bumubuhay at umaaruga sa ating lahat, tao ang siyang sumisira at pumapatay sa mga ito.


Kaya sa paglalayag ng ikalawang “Civilian Mission” sa WPS, nararapat lang na makasama si Inang Maria, Tala ng Karagatan. Siya ang magiging tala, ilaw na mag-aakay sa atin tungo sa kapayapaan at nararapat na pagtatanggol sa ating soberanya.


Noong taong 1646, sa dagat din nakilala ang ating Mahal na Ina nang hindi nagtagumpay ang paglusob ng mga barko ng Protestanteng Republika ng Olandia.


Mula noon nakilala na si Maria bilang “Mahal na Ina ng Santo Rosaryo ng La Naval de Manila.” At ngayon, halos apatnadaang taon nang nakalilipas, humaharap na naman tayo sa panibagong hamon ng banyagang puwersa na galing sa China.


Kaya’t namimintuho at nananawagan tayo kay Maria, Birhen ng Santo Rosaryo ng La Naval de Manila, kay Maria, Tala ng Karagatan at siyempre, kay Maria, Reyna ng Kapayapaan (EDSA Shrine), Reyna ng mapayapang rebolusyon (People Power Revolution 1986), na samahan niya tayo sa maselan at mapanganib na panahong hinaharap ngayon ng lahat ng mga Pilipino.


Makakasama rin ang ating Mahal na Inang Maria, Tala ng Karagatan ng mga kasapi ng ikalawang “Civilian Mission to West Philippine Sea” sa Mayo 14-15, 2024. 


Ngayon pa lamang tuluy-tuloy ang panalangin at pagsabit ng ating bandila sa bawat tahanan. Hindi man makasama ang lahat sa pangalawang paglalayag sa WPS, sa kani-kanyang tahanan, sa bawat simbahan, paaralan, pagawaan, opisina, kahit saan, maaari kayong magdasal, magsindi ng kandila at magsabit ng bandila para sa kapayapaan at soberanya. West Philippine Sea, atin ito. Bansang Pilipinas, mabuhay!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page