Marcial out sa Asiad, may ibang iskedyul na pro fight
- BULGAR

- 54 minutes ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 24, 2026

Photo: DAZN Premier Boxing Champions (PBC)
Lumabo ang tsansang sumabak sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games si 2-time Olympic boxer Eumir Felix Marcial dahil naghahanda sa ika-walong salang sa professional fight at maaring maipagtanggol ang World Boxing Council (WBC) International middleweight title belt laban kay American knockout artist Omar Ulises “La Bala” Huerta sa Setyembre 19 sa undercard ng DAZN Premier Boxing Champions (PBC) event àsa Pechanga Arena sa San Diego, California.
Puspusan na ang pagsasanay niya sa ilalim ni national team coach at dating Olympian boxer na si Reynaldo Galido at coach Joven Jimenez sa Las Vegas na masasagupa ang mainit na Mexican-American boxer, na gigil makabawi sa 10 round unanimous decision na pagkatalo noong Abril 11 kontra Vito Mielnicki Jr. para sa bakanteng WBC Continental, WBO Global at IBF USBA middleweight title belt.
Masusubok ang tunay na katatagan at lakas ni Marcial kontra Huerta, na huling nakita ang tibay ni Venezuelan knockout puncher Eddy “El Terrible” Colmenares sa 10-round majority decision panalo sa Thrilla in Manila II noong Oktubre 2025 sa Araneta Coliseum.
Patuloy na hinahanap ni Marcial ang gintong medalya sa Asian meet nang kapusin sa silver medal noong 2022 Hangzhou Games kontra kay Chinese boxer Tuohetaerbieke Tanglatihan sa light-heavyweight division, habang bronze sa 2018 Jakarta-Palembang Asian Games sa men’s middleweight (under-75kgs) category.
Aminado si Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) President Marcus Jarwin Manalo, na kinakailangang pagtuunan muna ng pansin ni Marcial ang pro-career, bago nito tutukan ang misyon sa amateur fight, higit na ang 2028 Los Angeles Olympics.
Minsang inamin ni Manalo na nauna ng nakapag-commit si Marcial sa Asian Games, pero natiyempo sa iskedyul ng pro-fight, kaya hahanap ang ABAP ng kahalili sa Asiad ng tubong Zamboanga City.
“Eumir and Weljon will be in the same weight class sa Asian Games (80kg). Walang 75kg (it's 70, 80, 90). Prior to this, Eumir has previously committed to the Asian Games, but Weljon will always be welcome to try out for a spot,” saad ni Manalo sa mensahe sa Bulgar Sports.





Comments