Maraño, may bagong career kaya nagretiro, "salamat Tyang!"

by Gerard Arce @Sports News | September 17, 2026

Photo: Pormal nang nagretiro si volleyball star Aby Maraño sa paglalaro sa Premier Volleyball League upang bigyang pansin ang bago niyang karera sa isang kumpanya nang bumisita at magsalita sa TOPS Usapang Sports. (Gen Villota)
Emosyonal na namaalam sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) si Phil professional volleyball star Aby Maraño na kilalang 'Tyang Aby' ng kanyang fans para sa kanyang opisyal nq pagreretiro bilang player ng Premier Volleyball League (PVL).
Sa pagbisita sa TOPS ngayong Huwebes ng dating La Salle player, inalala niya ang matinding pagsisikap niya noong kabataan sa paglalaro ng volleyball, noong 11-anyos siya mula sa paggawa ng net ay itinatali pa nila ito sa puno o kaya ay posteng pinagpatungan lang ng mga bato para tumibay.
"Tuwing may daraan pang tricycle ay itataas pa namin ang net para makadaan ang sasakyan, sobrang hirap ng panahon na iyon nu'ng bata ako, pero naroon ang pangarap ko e. Hindi ko rin naranasan noon ang maglakwatsa, puro ako aral at training."
Sa edad niyang 34 ngayon, isang malaking oportunidad ang dumating nang italaga siya sa isang managerial position ng kumpanyang F2 Logistics Cargo Movers na sakto naman sa plano niyang iretiro na ang paglalaro lalo na at matatapos na siya sa master's degree ng kanyang kurso sa ngayon na may kaugnayan sa logistics.
"Dito sa work ko ngayon gusto kong matutunan ang degree ng trabaho ko at ang total operation, it's a great experience." Ipinapayo rin niya sa mga kabataang atleta na, "Hindi lang dapat puro training at laro, kundi pagtuunan din ng pansin ang pag-aaral at edukasyon dahil di habang panahon malakas at maglalaro, kailangang may kursong matatapos upang magkaroon ng future sakaling dumating ang point na titigil na sa paglalaro."
Nabanggit din ni Maraño na wala siyang iniindang anumang injury o karamdaman para magretiro, "Talagang natutunan ko lang sa volleyball na maging disiplinado sa sarili, matulog nang maaga, kumain ng tama at healthy living lang talaga para makaiwas sa injury."
Magkahalong lungkot at saya ang kanyang anunsiyo na bigyan na rin ngayon ng prayoridad na magamit ang pinag-aralan sa kolehiyo at makapagtrabaho. Pinabulaanan naman ni Maraño na siya ay mag-aasawa na bagamat inamin niyang in a relationship siya at masaya ang buhay pag-ibig. "Gusto ko munang magpokus sa bago kong career."





Comments