Maranon, bumida sa panalo ng Azkals vs. Myanmar sa AFF
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 20, 2021

Nagtala ng pambihirang "hat trick"o tatlong goal si Bienvenido Maranon upang ihatid ang tagumpay sa Pilipinas kontra Myanmar, 3-2, sa pagsasara ng kampanya sa 2020 AFF Suzuki Cup Sabado ng gabi mula sa Bishan Stadium ng Singapore. Kahit wagi, kinapos ang Azkals at nabigong pumasok sa semis ng torneo sa ikalawang pagkakataon buhat noong 2010.
Sinuklian ni Maranon ang pagtanggap sa kanya bilang bagong mamayanang Filipino nitong taon at nagsipasok ang mga goal sa ika-16, ika-19 at ika-45 minuto. Naging posible ang mga goal salamat sa mga pasa nina Yrick Gallantes, Iaian Ramsay at Martin Steuble.
Hindi naglaro si kapitan Stephan Schrock at suspendido bunga ng pangalawang yellow card na ipinataw sa kanya sa 1-2 talo sa Thailand noong Dis. 14. Kasunod ito ng unang yellow card sa unang laro laban sa punong abalang Singapore noong Dis. 8.
Subalit pumalag pa rin ang mga reserba ng Myanmar sa second half at muntikan na makadisgrasya. Pumasok si Htet Phyo Wai sa ika-59 at gumawa ng dalawang goal sa ika-74 at ika-88 minuto upang gawing isa na lang ang pagitan sa mga Pinoy.
Sa kasabay na laro sa National Stadium, winalis ng Thailand ang Grupo A at nanalo sa Singapore, 2-0. May 12 puntos ang mga Thai at sasamahan sila sa semifinals ng Singapore na may siyam na puntos habang pangatlo lang ang Azkals na may anim na puntos.
Susunod para sa Azkals ang pagsabak sa Round 3 ng 2023 AFC Asian Cup Qualifiers sa Pebrero. Hindi pa natutukoy ang makakalaro at hinihintay pa ang petsa ng opisyal na bunutan.





Comments