Maraming salamat ma'am at sir!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 12, 2022
Ipinagdiriwang tuwing buwan ng Setyembre ang Civil Service Month na ginugunita sa pagkakatatag ng civil service noong Setyembre 19, 1900 bunga ng Public Law No. 5 of 1900.
Ayon sa Presidential Proclamation No. 1050 series of 1997, ang buwan ng Setyembre ay itinalaga naman bilang National Service Month.
Ang Civil Service Month/Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) ay isang magandang oportunidad din para sa mga empleyado ng pamahalaan na ipakita ang kanilang dedikasyon sa tiwala ng komunidad at makilala sa kanilang kontribusyon sa kaunlaran ng bansa.
Ang Civil Service Commission (CSC) ay nagpanukala ng “Transforming Public Service in the Next Decade” dahil nais nilang mas pag-ibayuhin pa ang kanilang serbisyo upang mas mabilis makabawi dahil sa naging bahagyang pagbagal dahil sa epekto ng pandemya.
Ang CSC ay isa sa tatlong Constitutional Commission ng bansa na siyang nakalataga sa civil service, ito rin ang nagsisiguro sa katapatan ng isinasagawang mga gawain ng pamahalaan.
Ito ang major personnel department ng bansa na siyang in-charge sa lahat ng civil service workers policies, plans at projects.
Binuo ito para tiyakin ang merit-based recruitment system na magpapanatili ng integridad sa ating pamahalaan na ang mga taong naglilingkod dito ay may sapat na kakayahan at akma sa mga gawaing iniatang.
Ngayon ang CSC ang tumatayong premiere human resource institution ng gobyerno ng Pilipinas na nagsusulong na maitaas ang moral, kahusayan, kakayahang tumugon at kagandahang-loob sa civil service na siya ngayong ginugunita ng ating kawani sa pamahalaan.
Mula naman Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ay ipinagdiriwang natin ang buwan ng mga guro sa pangunguna ng Department of Education (DepEd) at ilang multi-sectoral group na kumikilala sa ating mga guro bilang tagahubog ng kabataan.
Kabataang pag-asa ng bayan na kung hindi sa patuloy na paggabay ng butihin nating mga guro ay hindi nila mararating ang tagumpay sa buhay na kalaunan ay pangungunahin din ng ilan ang pagtaguyod sa ating bansa.
Mula 2011, nagsimula ang National Teachers Month nang pormal itong ideklara sa ilalim ng Presidential Proclamation 242 na ang buwan ng Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ay taun-taong gugunitain bilang National Teachers Month.
Hanggang sa sumapit ang 2016 ay ipinatupad naman ang Republic Act 10743 kung saan nakapaloob dito ang opisyal na pagkakatalaga sa araw ng Oktubre 5 bilang National Teachers Day na dapat gunitain taun-taon.
Pero higit sa mga detalyeng ito ay nais kong pagtuunan ng pansin ang pagiging isang guro bilang isang magulang, asawa, manggagawa na hanggang ngayon ay nagsisikhay at nangangarap na sana ay madagdagan pa ang kanilang suweldo upang makapamuhay ng disente na atin namang pinagsisikapan.
Hindi biro ang maging teacher kung sa panahon ng kanilang karera ay may mga anak din silang pinalalaki na kailangan nilang iwan ng mahabang oras para lamang makapagturo ng hindi nila anak.
Ang mga guro na ginagampanan din ang pagiging isang asawa ay madalas nagkukulang ang panahon dahil palaging abala sa kanilang mga estudyante at pagdating sa bahay na dapat ay para sa asawa na ay inaagaw pa rin ang oras sa paggawa nito ng kanilang lesson plan.
Hindi ba’t maraming guro ang tuluyan nang tumandang dalaga dahil sa kawalan ng panahon sa kanyang social life at wala ng panahon para humarap sa mga manliligaw na naging ugat para hindi niya maranasan ang buhay pag-ibig kahit minsan.
Ngunit sa kabila ng lahat na pinagdaraanan ng isang teacher ay itinuturing pa ring pinakamarangal na propesyon ang pagiging isang guro dahil sa nagsisilbi silang hagdan para maabot ng kabataan ang kani-kanilang pangarap.
Hindi ba’t ang pagiging guro ay tinatawag nating pangalawang magulang dahil nasa pangangalaga nila ang malaking bahagi ng paglaki ng ating mga anak na buong-buo nating ipinagkakatiwala sa kanilang pagkandili.
Kung wala ang ating mga guro ay hindi magiging isang maayos na pamayanan ang ating bansa na sa bisa ng kanilang kaalaman ay isa-isang natuto ang mga kabataan na pumalaot na sa iba’t ibang larangan.
Bawat guro ay may iba’t ibang estilo at kaalaman sa pagtuturo ngunit maihahalintulad sila sa apoy na dinadalisay ang bato upang humiwalay ang tunay na ginto ng kaalaman ng bawat mag-aaral na naghahanap ng karunungan.
Bago pa man dumating sa paaralan ang isang guro ay daig pa nito ang isang sundalo na magtutungo sa pakikidigma dahil handang-handa rin itong bitibit ang kanyang mga pangangailangan sa pagtuturo, partikular ang kaalaman na ibabahagi niya sa kanyang mga mag-aaral.
Ganyan din ang mga kawani ng pamahalaan na naglilingkod sa ating bayan na buong buhay ay iniaalay para lamang tulungan ang ating mga kababayan kaya para kina Sir at Ma’am para sa inyo ang buwan na ito at hindi namin kayo nakakalimutan. Maraming salamat!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments