Marami nang naging BF pero walang nakatuluyan, takot tumandang dalaga
- BULGAR
- Jun 14, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 14, 2021
Dear Maestro,
Isinilang ako noong November 23, 1993 at maraming beses na akong nagkaroon ng karelasyon, pero ang mga relasyong ito ay hindi nagtatagal. Bakit kaya? Imagine, umabot ako ng edad 27 pero wala pa ring stable relationship na nararanasan. May stable job naman ako ngayon, ang talagang pinoproblema ko lang ay natatakot akong tumandang dalaga.
Nasa numero ba ng aking birth date na ako ay tatandang dalaga, kung hindi, kailan ako makapag-aasawa?
Umaasa,
Jane ng San Diego, Gumaca, Quezon
Dear Jane,
Hindi mangyayari ang kinatatakutan mo dahil bihira sa mga taong may birth date na 23 at nagkataong Scorpio o nasa pagitan ng Scorpio at Sagittarius ang tumatandang dalaga. Sa halip, dahil ikaw ay nasasakupan ng planeteng Mars at Jupiter dahil sa zodiac sign mong nasa pagitan ng Scorpio at Sagittarius; at Mercury dahil sa birth date mong 23 o 5 (ang 23 ay 2+3=5), mabibilis na kaganapan sa iyong buhay pag-ibig at pakikipagrelasyon ang hindi mo halos magagawa o makakayang tanggihan.
Sa matuling salita, kapag namayani sa iyo ang ruling planet na Mercury na bitbit ng birth date mong 23 at ang ruling planet na Jupiter at Mars na bitbit naman ng zodiac sign mong nasa pagitan ng Sagittarius at Scorpio, magugulat ka sa pangyayari sa iyong buhay dahil sa isang iglap, bigla kang makapag-aasawa.
Ang pag-aanalisang nabanggit ay mas tiyak na magaganap kung ikaw ay mahilig sa mga kulay na pula at alahas na silver kung saan ang pula ay tugma sa kapalaran ng zodiac sign na Scorpio at Sagittarius, habang sa alahas na silver ay tugma sa kapalaran ng numerong 23.
Ang tanong na lang sa kasalukuyan, bakit marami ka nang nakarelasyon pero sa kabiguan at pagkausyami pa rin nauuwi ang lahat? Madali lang ang sagot, at ito ay nababoy o pumangit kasi ang iyong lagda. Nakikita mo ba ang malaking bilog sa unahang bahagi ng iyong pirma na nalikha ng letrang “J”? ‘Yan ay paglalarawan ng unconscious mong isipan na hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa iyong alaala at pagkatao ang mga nakaraang kabiguan sa buhay, kaya hindi ka maka-move on ngayon.
Subalit isang tulak na lang ng pagpapasya at lakas ng loob, sa pamamagitan ng pag-aayos ng iyong pirma, na sa halip na bilog-bilugin at guluhin ang unahang letrang “J” ay gagawin mong simpleng J at isipin mong ikaw ay bagong buhay at bagong nilalang, isa ring bago at mas maligayang pag-ibig na hahantong sa panghabambuhay na relasyon ang darating sa iyo.
Nakatakdang dumating at mangyari, ayon sa iyong Love Calendar sa taong 2022, sa edad mong 28 pataas, partikular sa buwan ng Marso hanggang Abril ang lalaking isinilang sa buwan ng Mayo. Siya na ang magiging last boyfriend mo at seryosohan na ang nasabing relasyon, na nakatakda na ring humantong sa isang masaya at panghabambuhay na pag-iibigan.



Comments