Marami na palang bato na nakabara sa appendix… MICHELLE, SUMAKIT ANG TIYAN, OPERASYON BIGLAAN

ni Beth Gelena @Bulgary | November 11, 2026

Photo: Michelle Marquez Dee
Isang hindi inaasahang medical emergency ang naranasan ng beauty queen-aktres na si Michelle Marquez Dee (MMD) matapos siyang makaramdam ng matinding pananakit ng tiyan.
Ayon sa ulat, patungo sana ang beauty queen sa isang photoshoot kasama ang celebrity photographer na si BJ Pascual nang bigla siyang makaranas ng matinding abdominal discomfort.
Agad siyang nagpatingin sa doktor at sumailalim sa karagdagang pagsusuri.
Sa isinagawang examination, nadiskubre ng mga doktor na maraming bato ang nakabara sa kanyang appendix kaya kinailangan siyang operahan agad o sumailalim sa emergency appendectomy.
Matapos ang operasyon, personal na nagbigay ng update si MMD sa kanyang mga fans sa Instagram (IG).
“Just got out of the operating room. Thank you for all your well wishes. I appreciate every single one of you so much,” mensahe niya.
Pinaalalahanan din ni Michelle ang kanyang mga followers na huwag balewalain ang mga kakaibang senyales ng katawan, lalo na ang hindi pangkaraniwang pananakit.
Samantala, sasabak siya sa Miss Grand International All Stars 2026 sa Disyembre. Matatandaang kinoronahan siyang Miss Universe Philippines 2023 at nakapasok sa Top 10 ng Miss Universe 2023, kung saan nakakuha rin siya ng ilang special awards.
Religious daw kuno pero ‘di isinasabuhay… TONI AT ALEX, INAAYAWAN NA NG FANS DAHIL SA PAGSUPORTA KAY PBBM
HINDI na raw kayang panoorin ng ilang netizens sina Toni at Alex Gonzaga matapos magbago ang kanilang pagtingin sa magkapatid na dati nilang hinahangaan at sinusubaybayan.
Sa isang post sa X (dating Twitter), ibinahagi ng isang netizen ang kanyang pagkadismaya kay Toni, na dati ay pinanonood niya sa mga pelikula nito sa sinehan, gayundin ang mga vlogs ni Alex.
Sey nito, “Sabi ko, matutulog na ako pero nakita ko na naman itong si Toni G. Ewan ko ba, pero isa talaga s’ya sa biggest heartbreaks ko. Sorry, pero talagang nawala na ‘yung amor ko sa kanya. As in, zero.
“Kung dati, gustung-gusto ko silang magkapatid to the point na lagi akong nanonood ng movies ni Toni sa sinehan at vlogs ni Alex, ngayon, nasisira araw ko ‘pag nakikita ko sila.
“Religious kuno pero naging big part naman ng sistemang nagdala sa ‘tin sa kadiliman at kasamaan.”
Isa raw sa mga dahilan ng kanyang pagkadismaya ang pananaw niya sa naging papel ni Toni sa pulitika. Kinuwestiyon din niya ang pagiging relihiyoso nito dahil para sa kanya ay hindi nagtugma ang ipinapakita nitong pananampalataya at ang naging political stand ng aktres na sumuporta sa kanyang Ninong Bongbong Marcos.
Partikular ding binanggit ng isang netizen ang isang inspirational message na ibinahagi ni Toni tungkol sa hindi pagmamadali sa buhay at paghihintay sa tamang panahon ng Diyos.
Post niya, “Grabe, ang ganda nu’ng sinabi ni Toni G: ‘You know who likes to rush things in life? It’s the devil. He likes to rush things because his time is limited. Anything that rushes you is NOT God because God takes His time. It’s not just about what God gives you, but who you become while waiting for it. Because God is never in a rush. He is more concerned with perfecting your character than rushing your blessings.’ After all this time, this is what I needed to hear.”
Bagama’t maganda raw ang mensahe, hindi na ito tumalab sa kanya dahil sa pagkadismayang naipon niya sa aktres-host.
Hindi naman siya nag-iisa sa ganitong pakiramdam dahil may mga sumang-ayon sa kanyang post.
May isang nagsabing simula nang mangyari ang isyu kaugnay ng pagsuporta ni Toni kay Pangulong Bongbong Marcos (PBBM), hindi na siya nanonood ng anumang content nito.
Sey naman ng isang netizen, kapag nakikita niyang nanonood ang kanyang ina ng YouTube (YT) vlogs ng magkapatid, agad niya itong ipinapalipat ng pinapanood.
Ang iba naman ay in-unfollow na raw nila ang dalawa sa social media at kapag lumilitaw ang mga ito sa kanilang feed ay agad nilang pinipili ang ‘Not Interested’.
Ibig sabihin, unti-unti nang nababawasan ang mga followers nina Toni at Alex.
Bukod sa target ang Miss Universe crown… BEA MILLAN WINDORSKI, GUSTONG MAGING ABOGADO
HINDI lang korona ng Miss Universe ang gustong makamit ng beauty queen na si Bea Millan-Windorski dahil pangarap din niyang maging ganap na abogado pagkatapos ng kanyang pageant journey.
Sa guesting niya sa Best and the Most with Barbie Muhlach vlog, nabanggit ni Bea na may boyfriend siya at isa’t kalahating taon na silang magkarelasyon.
Isa raw journalist ang kanyang boyfriend na hindi pinangalanan. Hindi raw ito makakasama sa kanya sa Puerto Rico kung saan gaganapin ang Miss Universe 2026 pageant, dahil kailangan nitong magtrabaho.
Mas gusto rin ni Bea na ituon ang kanyang atensiyon sa laban niya at sa responsibilidad na katawanin ang Pilipinas.
Pagdating naman sa kanyang pangarap, hindi niya itinatago ang kagustuhang maging registered lawyer. Gusto niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng abogasya kapag natapos ang kompetisyon.
“My ultimate goal is to bring home the 5th (crown) to the Philippines,” sey ni Bea.
Samantala, kapansin-pansin din ang kanyang tatlong tuldok na tattoo na nakuha niya sa Buscalan, Kalinga.
Si Grace Palicas, pamangkin ni Apo Whang-Od, ang naglagay ng tattoo kay Bea gamit ang tradisyunal na mambabatok technique. Sumisimbolo ito sa pagpapatuloy ng tradisyon at nagsisilbi ring pagpupugay sa kanyang ina at lola na humubog sa kanyang pagkatao.
Polish-German ang ama ni Bea habang Pilipina at tubong-Ilocos naman ang kanyang ina.





Comments