Mapalad at masaya ‘kong naging bahagi ng Christmas Convoy
- BULGAR
- Dec 18, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 18, 2023
Taga-ilog, Tagalog, Pampanga, pampang, Dumagat, katutubong nagbabantay ng bundok.
Ilan lang ‘yan sa napakaraming pangalan ng mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng hindi kalakihan ngunit napakaraming islang bumubuo sa ating bansang (peninsula).
Tubig ang bumabalot sa atin at tubig din ang bumubuo sa ating mga Pinoy. Ngunit, ilan ba talaga sa atin ang may malalim na kamalayan na nakaugat sa tubig? Ilan ba sa atin ang may pagmamahal at pagpapahalaga sa tubig, saan man ito matatagpuan mula sa mga bukal, batis, ilog, lawa at karagatan?
Noong nakaraang Linggo, Disyembre 10, 2023, ilang oras din tayong napaligiran ng tubig, na walang ibang makikita sa harapan, gilid at likuran kundi tubig. Bakit? Naglayag kami mula El Nido patungong Ayungin Shoal sa West Philippine Sea. Hindi namin alintana ang dramang magaganap sa bandang hapon ng araw na iyon, habang nagmimisa kami kasama ang lahat ng mga volunteer at media na lulan ng barkong MV Kapitan Felix Oca.
Ilang buwan na ring pinaplano ang “Christmas Convoy” na tinawag na “Atin Ito.”
Kakaibang Christmas Convoy at hindi karaniwan dahil hindi ligtas at simple ang pagsasagawa nito.
Maghahatid ng mga kailangang supply sa BRP Sierra Madre ng mga kinatawan ng iba’t ibang grupo, NGO, people’s organization, sektor, at mga kilalang indibidwal mula sa civil society o mga grupo o samahan ng karaniwang mamamayan.
Kakaibang paghahatid ng supply dahil ang karaniwang naghahatid ay ang Philippine Coast Guard at ang mga arkiladong barko na sinasabayan ng PCG.
Sa mga salitang “Atin Ito,” malinaw ang mensahe at ang pinatutungkulan nito. Atin ang WPS. Kaya marapat na igalang ito ng mga kaibigang galing sa Peoples Republic of China (PRC).
Marami nang beses ginipit, tinakot, binully ang ating mga barko (PCG, Navy) ng mas malaki at mas maraming barkong China (Chinese Coast Guard, Navy). Tayo lang ang kanilang pinatatamaan ng water cannon. Tayo lang ang kanilang hinahabol at hinaharang sa ating sariling karagatan na kanilang inaangkin, kinakamkam.
Mapalad at masaya akong naging bahagi ng Christmas Convoy patungong Ayungin Shoal. Dapat kasama namin si Bishop Broderick Pabillo ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan. Ngunit, hindi siya puwede dahil sa rami ng kanyang kailangang dalawing mga parokya kaya ipinadala niya si Fr. Ramon Camacho bilang kanyang kinatawan.
Iba’t ibang sektor ng lipunan ang nakasama sa naturang misyon. Merong mga katutubong galing sa Rizal, mga mangingisdang mula sa Masinloc, Zambales, mga magsasakang galing sa Negros, mga kabataang taga-Palawan, Isabela at Maynila.
Naroroon din ang mga people’s organization, sampu ng mga NGO. Kabilang dito ang mga kapatid nating Muslim at mga Kristiyano din.
Bilang mga pari, kami ay napakiusapang magmisa araw-araw hanggang hindi natatapos ang misyon. May misang ginagawa ng Linggo, Lunes at Martes.
Bandang alas-8 ng gabi kami inihatid ng barkong ML Chowee mula pampang ng Baryo San Fernandro patungong MV Kapitan Felix Oca.
Mula alas-9 ng gabi ng Sabado, Disyembre 9, 2023 hanggang ala-1 ng hatinggabi ng Linggo, Disyembre 10, 2023 ay naghihintay kaming pumalaot patungong Ayungin Shoal.
Ang unang plano ay magkaroon ng misa sa ganap na alas-9:00 ng Linggo ng umaga.
Subalit, nang sumapit na ang Linggo at naghahanda kami ng lugar para sa misa, naramdaman namin ang tindi ng init ng araw. Dahil dito, merong mga nagmungkahing ilipat na lang namin ng bandang alas-4:30 ng hapon ang misa.
Nagsimula ang misa ng alas-4:30 ng hapon. Bandang alas-5:00 ng hapon, habang nagpapaliwanag tayo ng omeliya, napansin kong dumarating ang dalawang barkong pandigma ng China. Nalaman naming pandigma ito dahil “gray” ang kulay ng barko at hindi puti tulad ng PCG.
Binanggit ko sa omeliya ang nakita kong dalawang barko at hinikayat kong manalangin at manatiling mahinahon ang lahat. Subalit, napansin ko nang aligaga at tensyonado na ang marami, kaya’t pinayagan kong tumayo at gumala ang mga nagsisimba. Ngunit, sinabihan ko ang lahat na iwasang makipagkuwentuhan at sa halip patuloy na magdasal nang tahimik habang pinagmamasdan nila ang paglapit ng barkong China.
Hindi naglaon, narinig namin ang tinig ng kapitan, “We are turning back. Babalik na tayo ng El Nido.” Sa halip na matuwa ang marami, napansin kong maraming bumagsak ang mukha. Marami ring umiyak at nagpakita ng malalim na kalungkutan at pagkadismaya.
Nang nakaikot na kami pabalik ng El Nido, medyo nagdahan-dahan ang mga barkong sumusunod sa amin. Sa halip na ipagpatuloy ko ang omeliya, pinakiusapan kong magbahagi ang tatlong katao, dalawang kabataan, isang medyo may edad.
Natapos ang misa, ngunit pinagpatuloy pa rin namin ang kuwentuhan at kumustahan ng bawat group assignment.
Karamihan ay dismayado at malungkot na hindi natuloy na magtungo ang barko sa Ayungin Shoal. Subalit, masaya at makabuluhan naman ang tingin ng lahat sa naging karanasan nilang ipaglaban ang soberanya lalo’t nalalapit na ang Pasko.
Mabuti na lang at nagmimisa ang lahat nang nakasalubong namin ang mga barkong China. Kakaibang karanasan ito sa gitna ng dagat. Totoong kakaiba dahil kasabay ng aming pagdarasal ay nagtaya kaming sama-sama para sa ating soberanya.








Comments