Manipulasyon sa suplay ng sibuyas, imbestigahan!
ni Ryan Sison - @Boses | August 21, 2022
Sa gitna ng nagaganap na pagtaas ng presyo ng gulay, nais ng mga magsasaka na mainspeksyon ang mga bodega ng sibuyas.
Ito ay matapos salakayin ng mga awtoridad ang mga bodega ng asukal, kung saan lumalabas umano na iniipit ng ilang negosyante ang suplay para samantalahin ang kakulangan nito sa merkado.
Sa tingin umano ng mga magsasaka ng sibuyas, posibleng nakatambak lang sa mga cold storage facility ang mga sibuyas, kaya sinasabing nagkukulang ang mga suplay nito. Binigyang-diin pa na hinihintay munang tumaas pa ang presyo ng sibuyas bago ito ilabas ng ilang negosyante.
Dagdag pa ng mga magsasaka, aabot ng Disyembre ang pagtaas ng presyo ng sibuyas.
Matatandaang, higit 40,000 tonelada ng asukal ang nakita sa bodega sa Pampanga at Bulacan, kamakailan, base sa pag-iinspeksyon ng Bureau of Customs.
Samantala, hamon sa mga may-ari ng mga karinderya ang kakulangan ng suplay ng puting sibuyas, gayundin ang mataas na presyo nito dahil pangunahing sangkap ito sa kanilang mga itinitindang ulam.
Sa kasalukuyan ay pumapalo na sa P400 ang kilo ng sibuyas, kaya kani-kanyang diskarte na lang ang mga may-ari ng karinderya upang maitawid ang negosyo.
Kung magtatagal pa ang mataas na presyo ng sibuyas, maraming maaapektuhan, lalo na ang maliliit na negosyante.
Maituturing itong manipulasyon at pananamantala dahil imbes na walang problema, nagiging sabay-sabay pa dahil sa kaliwa’t kanang kalokohan.
Kaya naman panawagan sa mga kinauukulan, pakinggan ang mga magsasaka at umaksyon kung kinakailangan. Huwag nating hintayin na mas marami pang maapektuhan bago tayo tumugon sa problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments