Manila, nagtala ng malaking panalo sa FIBA challenger
- BULGAR

- Oct 19, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 19, 2023

Naitala ng Manila Chooks ang maaaring pinakamalaking panalo sa kanilang kasaysayan at itinumba ang walang iba kundi ang #2 Antwerp ng Belgium sa overtime, 14-12, sa EXPO 2023 FIBA3x3 Al Bidda Park Challenger Miyerkules sa Doha, Qatar. Naghalong husay at suwerte ang tumulak sa koponang Pinoy subalit tila naubos ito agad.
Walang puntos sa unang 10 minuto, bumida sa overtime si Paul Desiderio sa nag-iisang shoot na una ay binilang na dalawang puntos na inakala ay wakas ng laro, 14-12. Binalikan ng reperi ang video at ibinaba ito sa 1 puntos lang dahil nakita na nakatapak si Desiderio sa linya, 13-12.
May pagkakataon ang mga Belgian na maagaw ang panalo subalit nagmintis sila at nakuha ng Manila ang rebound. Ipinasok ni Tosh Sesay ang nagpapanalong buslo galing sa pasa ni Desiderio sabay diwang ng mga manonood na karamihan ay mga Pinoy.
Hawak ng Manila ang 11-7 bentahe subalit bumangon ang Antwerp at lumapit, 11-12. Pumito ng foul ang reperi na may 1 segundo sa orasan subalit tumiklop si Jonas Foerts at isa lang naipasok sa dalawang free throw upang itakda ang overtime na unahan nang maka-2 puntos.
Halimaw si Sesay sa 7 puntos at 12 rebound. Nag-ambag ng apat si Dennis Santos at dalawa kay Marcus Hammonds. Nanatiling buhay ang Antwerp matapos biguin ang Utrecht ng Netherlands sa sumunod na laro sa Grupo B, 21-17. Dahil dito, kinailangan manalo ng Manila sa Utrecht upang masigurado ang pagpasok sa q'finals.
Tumalon ang Utrecht sa 5-0 lamang at hindi na nakaporma ang Manila patungo sa 22-15 resulta. Tumabla ang tatlong koponan sa 1-1 panalo-talo at ayon sa dami ng puntos, pasok ang Utrecht (39) at Antwerp (33) habang tanggal ang Manila (29) at nagtapos sa ika-9 na puwesto.








Comments