Manila Chooks TM, simula na ang 3X3 campaign sa World Tour

ni Anthony Servinio - @Sports | November 20, 2020

Sisimulan ngayong araw ang kampanya ng Manila Chooks TM sa 2020 FIBA 3X3 World Tour Doha Masters sa Al Gharafa Sports Club. Nabunot ang mga Filipino sa Grupo A kasama ang numero unong koponan sa buong mundo Liman ng Serbia at Lusail ng Qatar at gagawin nila ang lahat para higitan ang naabot na ika-limang pwesto ng Pasig Chooks sa parehong torneo noong Abril, 2019.
Unang haharapin ng mga Pinoy ang higanteng Liman simula 11:55 ng gabi, oras sa Pilipinas, at susundan ito sa laban kontra sa Lusail sa 1:35 ng madaling araw. Tinatayang may 250,000 na kababayan ang naninirahan o nagtratrabaho sa Qatar at inaasahan ang kanilang mahalagang suporta sa Manila.
Kung papalarin sina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Troy Rike at Leonard Santillan na makapasok sa quarterfinals, gaganapin ito sa Sabado ng gabi at tutuloy hanggang makoronahan ang kampeon Linggo ng madaling araw. Kailangan makapasok ang Manila sa semifinals para may pag-asa na maimbita sa Grand Finals sa Disyembre 18 at 19 sa Jeddah, Saudi Arabia.
Binubuo ang Liman nina Pilipinas 3X3 coach Stefan “Mr. Robot” Stojacic, Stefan Kojic, Aleksandar Ratkov at Mihailo Vasic na nagwagi na ng dalawang kampeonato ngayong taon sa unang tatlong yugto na ginanap sa Debrecen, Hungary. Bilang punong abala, hindi magpapahuli para sa Lusail sina Mame Souleye Ndour, Hamza Maher Radi at kanilang mga import Vasileiadis Kostantinos ng Gresya at Ousseynou Mbow ng Senegal.
Nag-aabang sa Manila Chooks sa quarterfinals ang isa sa mga koponan sa Grupo C na NY Harlem ng Estados Unidos, Lausanne Katapult ng Switzerland at Utena Uniclub ng Lithuania. Ang Grupo B ay kinabibilangan ng Riga ng Latvia, Jeddah ng Saudi Arabia at Yoyogi Crayon.EXE ng Japan habang nasa Grupo B ang Princeton ng Estados Unidos, Ub ng Serbia at ang magwawagi sa qualifier sa pagitan ng Kamakura Nature Made ng Japan, Bielefeld LFDY ng Alemanya at Riyadh ng Saudi Arabia.
Kasama si Munzon sa Pasig Chooks na tumalo sa Liman noong 2019, 19-16. Ngayon, magsasanib-puwersa si Munzon sa mga dating pambato ng Balanga Chooks na sina Pasaol at Santillan sa kanilang lakbay patungo sa tropeo at gantimpalang $40,000 (P1.93 milyon).
Mapapanood ng live ang buong Doha Masters sa opisyal na YouTube channel at pahina sa Facebook ng FIBA 3X3 simula 8:00 ng gabi. Magkakaroon din ng Two-Point Shootout at Slam Dunk Contest.





Comments