Manila Chooks, sasabak sa 4th Leg ng FIBA 3X3 sa Doha

ni Anthony Servinio - @Sports | November 2, 2020

Kumpirmado na at tuloy ang paglahok ng Family’s Brand Sardines-Zamboanga City na ngayon ay tatawaging Manila Chooks sa ika-apat at huling yugto ng 2020 FIBA 3X3 World Tour ngayong Nobyembre 20 at 21 sa Doha, Qatar, Matapos magkampeon sa 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM noong nakaraang Oktubre 30, panibagong hamon ang haharapin nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Troy Rike at Leonard Santillan sa 13 iba pang mga bigating koponan mula sa Europa, Estados Unidos at Asya.
Naunang nakapasok sa torneo ang Liman ng Serbia at Riga ng Latvia na naghari sa unang tatlong yugto ng World Tour na ginanap sa Debrecen, Hungary mula Agosto 29 hanggang Setyembre 5. Napili rin ang NY Harlem at Princeton ng Estados Unidos, Ub ng Serbia, Lausanne ng Switzerland, Jeddah ng Saudi Arabia at Utena Uniclub ng Lithuania.
Ginawaran ang Manila Chooks ng isa sa tatlong wild card kasama ang Yoyogi Crayon,EXE ng Japan at Lusail ng Qatar. Sasamahan sila ng mga kampeon sa mga liga sa kanilang mga bansa na Riyadh ng Saudi Arabia, Bielefeld ng Alemanya at isa pang koponang Hapones na Kamakura Nature Made.
Ang paglahok ng Manila Chooks ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa Olympic Qualifying Tournament sa Graz, Austria ngayong Mayo. Gagawin nila ang lahat para makuha ang isa sa tatlong tiket patungong Tokyo 2020 at ang mga makakalaro nila sa Doha ay maaaring makakalaro din nila sa Austria.
Hindi pa tiyak kung pasok na agad sa group stage o kailangan muna dumaan sa qualifying round ang Manila Chooks para sa ika-12 at huling pwesto sa torneo. Ayon sa FIBA 3X3 Ranking, ang koponang Pinoy ay pang-walo sa 14 kalahok,
Mga beterano ng 2019 FIBA 3X3 World Tour sina Munzon at Rike para sa Pasig Chooks at Pasaol at Santillan para sa Balanga Chooks. Parehong naglaro sa 2019 Doha Masters ang dalawang koponan kung saan ginulat nila ang lahat sa pagkuha ng Pasig ng ika-lima at Balanga ng ika-anim na pwesto sa kanilang unang sabak sa World Tour.
Ang 12 ang may pinakamaraming pinagsamang puntos mula sa apat na yugto ay tutuloy sa 2020 Grand Finals na gaganapin sa Riyadh ngayong Disyembre 11 at 12. Ang Novi Sad ng Serbia ang nagkampeon noong nakaraang taon sa Utsonomiya, Japan laban sa Princeton.





Comments