top of page

Manila agad nagpaalam sa FIBA 3x3 World Tour

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 30, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 30, 2023



ree

Lumuhod ang Manila Chooks ng dalawang beses upang maagang magpaalam sa 2023 FIBA3x3 World Tour Abu Dhabi Masters Linggo ng madaling araw (oras sa Pilipinas). Lumaban pa rin ng sabayan sa mga bigatin ang mga Pinoy sa harap ng maraming kababayan na dumayo sa Abu Dhabi Corniche.

Naiwasan ng #4 Beijing ng Tsina na masilat sa #12 Manila, 20-19, sa likod ng two-points ni Liu Lipeng na may 5 segundong nalalabi. May pagkakataon ang Manila subalit nagmintis si Dennis Santos sabay tunog ng busina.

Hawak ng Manila ang 19-18 lamang sa shoot ni Tosh Sesay na may 36 segundo sa orasan at nabawi agad ang bola subalit nagmintis ang mga 2-points nina Santos at Marcus Hammonds upang matapos agad ang laban. Biglang nakuha ni Nauris Miezis ang rebound at napunta ang bola kay Liu para sa nagpapanalong puntos.

Gumawa ng 7 puntos si Hammonds. Tig-anim sina Santos at Sesay na humakot din ng 17 rebound. Tinalo ng #5 Partizan ng Serbia ang Beijing sa pangalawang laro sa Grupo D, 22-19, at dahil dito ay kinailangan ng Manila na talunin ang mga Serbian upang manatiling buhay ang pag-asa. Hindi nakisama ang tadhana at inukit ng Partizan ang 21-13 tagumpay sa huling laro ng araw.

Bumanat ng tatlong magkasunod na puntos si Hammonds para sa 8-7 lamang subalit sinagot ito ng pitong sunod ng Partizan para sa 14-8 bentahe na hindi na nila binitawan. Nag-ambag ng tig-apat na puntos sina Hammonds, Santos at Paul Desiderio at nalimitahan sa isa lang si Sesay.

Bigong makapasok sa quarterfinals ang Manila at nagtapos sa ika-11 puwesto sa 14 kalahok. Wala pang linaw kung ano ang susunod na torneo ng koponan sa mga nalalabing yugto ng Masters at Challengers ngayong taon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page